153 total views
Kasabay nang pagbuhos ng ulan, nag-uumapaw naman ang suporta at pagmamahal ng mga mananampalatayang nakiisa sa pagluluksa at paghahatid sa huling hantungan ng pinaslang na pari ng Diocese ng Cabanatuan na si Fr. Richmond Nilo.
Bukod sa pagiging tagapagtanggol ng pananampalataya, kilala rin si Fr. Nilo sa pagiging matulungin sa mga mahihirap at mga kabataan para makapag-aral.
“Gusto nilang patahimikin si Fr. Nilo, pero nagkamali ang pumatay dahil hindi siya napatahamik, lalung lumakas ang kanyang tinig lalung lumawak ang narating lahat ng kaniyang mabuting salita at gawa ay ngayon ay nasiwalat at lalung tumitingkad,” nagkakaisang pahayag ng Diyosesis ng Cabanatuan.
Labis na pasasalamat naman para kay Fr. Nilo ang ibinihagi ng kaniyang mga parishioners sa mabuting gawa ng pari noong ito ay nabubuhay pa.
“Hindi ko makakalimutan ang ginawa nyang tulong sa pamilya ko. Nung nagkasakit ang anak ko siya ang tumulong para kami ay unti-unting bumangon. Kinupkop nya kami ay binigyan ng muling pag-asa ang aming pamilya,” Anthony Veloso, isang parishioner ng san Vicente Ferrer kung saan kura paroko si Fr. Nilo.
Si Fr. Nilo rin ang nagpasimula ng pagkakaroon ng programa para sa hearing impaired students sa College of Immaculate Concepcion.
Ibinahagi ni Julienne Ocampo kinatawan ng Deaf Community ng Cabanatuan na sa loob ng 9 na taong ay tinulungan siya ni Fr. Nilo at nakapagtapos ng Senior Highschool.
Si Fr. Nilo ay ang kura paroko ng Zaragoza at siya ring kasalukuyang pangulo ng College of Immaculate Conception Cabanatuan na binaril at napatay sa isang kapilya sa Barangay Mayamot, Zaragosa.
Nakapagtapos din ng BS Nursing ang isa ring scholar ni Fr. Nilo na si Jesica Calanega.
“Siya ang nagsilbing guardian ko dito sa Nueva Ecija. Bukal sa loob niya ang pagtulong at hindi namimili ng tutulungan,” pagbabahagi naman ni Calanega.
“Kailanman ang isang paring tulad ninyo ay hindi naming malilimutan. Fr. Richmond, kalakip ng aming pamamaalam sa iyo ang pangakong susundan namin ang iyong yapak. Isang pangako na batid namin mahirap sundin ngunit batid namin na kami ay iyong ginagabayan. Nawa’y maging simbolo sa aming kabataan ang iba pang Fr. Richmond,” mensahe mula sa Cabanatuan Diocesan Youth.
Mula sa College of the Immaculate Concepcion chapel-huling ibinurol ang labi ng pari alas-9 ng umaga nang magsimula ang prusisyon ng ‘Nagluluksang Bayan’ patungong kripto ng Cathedral of San Nicolas Tolentine.
Pinangunahan ni Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud ang ‘funeral mass’ na dinaluhan din nina Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriel Caccia; San Fernando Pampanga Archbishop Florentino Lavarias; Bayombong in-coming Bishop Jose Elmer Mangalinao; Tarlac Bishop Enrique Macaraeg; Baguio Bishop-emeritus Florentino Cinense at Caloocan Bishop-emeritus Teodoro Bacani mga kapatid na pari mula sa diyosesis ng Cabanatuan; mga seminarista at pari mula sa San Carlos Seminary kung saan siya ‘alumnus’.
Huwebes naman ng gabi nang maaresto ng pulisya ang isa sa itinuturong suspek sa pagpaslang kay Fr. Nilo na positibong ituro ng isa sa mga sacristan kung saan binaril at napatay ang pari.
Si Adell Roll Milan ay nahuli sa Barangay Malapit sa San Isidro, Nueva Ecija alas-6:30 ng gabi. Si Milan ang itinuturong bumaril kay Fr. Nilo.
Ayon naman sa tagapagsalita ng diyosesis na si Fr. Joel Jetajobe- hanggang sa kasalukuyan ay wala pa silang natatanggap na kumpirmasyon hinggil sa pagka-aresto ng hinihinalang pumatay kay Fr. Nilo mula sa Provincial Director at tanging sa ulat lamang sa media nalaman ang balita.