374 total views
Umaapela ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mananampalataya na paigtingin ang pangangalaga sa mga kabataan upang makaiwas sa kapahamakan.
Ayon sa Kardinal, mahalagang pagtuunan ng pansin ng lipunan ang pagkalinga sa kabataan upang maging mabuting mamamayan.
“I am appealing to those people taking care of the young, Please, take good care of them,” panawagan ni Cardinal Tagle.
Ito ang panawagan ng Arsobispo ng Maynila sa ordinasyon ni Butuan Bishop Cosme Damian Almedilla kung saan nakasentro sa pagpapastol sa kawan ang tema kaya’t ginamit nito ang pagkakataon na umapela sa mamamayan sa mas maingat na paggabay sa kabataan.
Ibinahagi ng Kardinal ang kuwento ng isang kabataan sa Maynila na nagbahagi sa pagtitipon noong Kapistahan ng Corpus Christi sa Archdiocesan Shrine of the Blessed Sacrament.
Sinabi ni Cardinal Tagle na bilang nurse sa isang pagamutan, naobserbahan nitong pinakabata sa mga nanganganak ay nasa edad 13 taong gulang habang isang menor de edad naman ang nagkaroon ng infection sanhi ng pagiging sex worker.
Iginiit ni Cardinal Tagle ang labis na pagkabahala sa tila pagkaligaw ng landas ng kabataan kaya’t nararapat na paigtingin ang pagsusubaybay sa mga ito.
Partikular na binanggit ni Cardinal Tagle ang mga magulang na unang gumagabay sa mga anak, ang mga guro na katuwang ng magulang sa paghubog ng pagkatao ng isang bata at sobrang pagka-aktibo at exposure ng mga kabataan sa social media at makabagong teknolohiya.
“Mga magulang, mga guro, mga nasa social media, parang awa n’yo na magtulong-tulong tayo,” ani ng Cardinal.
Sa ulat ng UNICEF na ‘Children in a Digital World’ noong 2017, nangunguna ang Pilipinas na global source ng child pornography kung saan higit 80 porsiyento ng mga kabataan ang nahaharap sa pang-aabusong sekswal.
Ayon naman sa Philippine Interfaith Movement Against Human Trafficking, kahirapan ang nakikitang sanhi ng “online sexual exploitation of children sa Pilipinas.
Sang-ayon naman si Balanga Bishop Ruperto Santos sa panawagan ni Cadinal Tagle na dapat mapangalagaan ang mga kabataan sapagkat sila’y kasapi ng lipunan at mga mamumuno ng bayan sa hinaharap.
Binigyan diin ni Bishop Santos na mahalagang mapabuti ang pagpapalaki sa mga bata at hindi maabuso ang kanilang pisikal, mental, emosyonal at sekswal na bahagi ng pagkatao.