671 total views
Linggo ng Mabuting Pastol, Ikaapat na Linggo ng Pagkabuhay, Ika-8 ng Mayo 2022, Jn 10:27-30
Bago ang lahat, tatlong pagbati. Una, Happy Easter po, dahil nasa panahon pa rin tayo ng Pagkabuhay. Pangalawa, Happy Good Shepherd Sunday po, dahil ang ikaapat na Linggo ng Pagkabuhay ay Linggo ng Mabuting Pastol. At pangatlo, happy Mother’s Day po. Sino pa ang pinakamabuting halimbawa ng mabuting pastol kundi ang mga nanay, di ba? Palakpakan naman po natin ang mga nanay natin, maging mga nanay na buhay pa dito sa mundo o mga nanay natin na nasa kabilang buhay na ngunit buhay na buhay pa rin sa ating alaala at pagkatao.
Tatlong bagay din po ang nais kong itawag pansin sa bawat isa sa ating tatlong pagbasa. Ang una, lumabas daw si San Pablo sa sinagoga upang pahayagan din ng mabuting balita ang mga Hentil na nakikinig sa labas, matapos na i-reject sila ng mga kapwa-Hudyo niya na nasa loob.
Alam nyo ba na sa Singapore, ang pinakamalakas daw na mag-evangelize doon ay si Mama Mary? Nalaman ko ito noong dumalaw ako sa tinatawag nilang “Novena Church”, na katumbas ng ating Baclaran. Ang lakas din pala doon ng debosyon sa Mother of Perpetual Help.
Tandang-tanda ko pa noong first time ko doon, punong-puno ang simbahan sa loob at labas. Pero mas marami ang nasa labas. Sabi sa akin ng paring Singaporean pagkatapos ng Misa—“Sa palagay mo ba, ilang porsiyento ng nagsisimba dito ang Kristiyano?” Sabi ko, “Ibig mong sabihin, may mga nagsisimba rito na hindi Kristiyano?” Napangiti siya at sabi niya, “Baka nga mas marami pa sila.”
In-explain niya sa akin na marami pala sa mga nagsisimba doon ang mga Muslim at Buddhists. Dumadalo pero doon lang sila sa labas. Dahil yata Mother of Perpetual Help ang Pangalan ng simbahan at napakapopular nito, dinudumog talaga ng mga taong may sari-saring pangangailangan na ipinagdarasal. Kahit naman hindi Kristiyano marami ding mga pangangailangan na ibig ipagdasal, di ba? Isinusulat na sa papel at inihuhulog sa mga kahon sa loob at labas ng simbahan. Matapos lang ang ilang linggo ang kasunod ay mga sulat ng pasasalamat “for answered prayers.”
Biro nyo, pati hindi Kristiyano sumusulat din at humihingi ng dasal kay Mama Mary at nagnonobena! Ang iba sa kanila nagsisimba pa daw; hindi nga lang nagkokomunyon. At sa katagalan, marami sa kanila ang nagpapabinyag na rin. Pag initerview sila, sinasabi daw sa pari: “Father, mahigit na ten years na po akong nagsisimba dito at nakikinig sa ebanghelyo. At napakarami na rin po ng mga hiningi sa Diyos na pinagkaloob. Gusto ko sanang maging Kristiyano na rin.”
Parang pastol din pala si Mama Mary—ang kalinga niya ay hindi lang para sa mga taga-loob. Totoo naman na sa lipunan, mas marami talaga ang taga-labas kaysa taga-loob. Mga tipong hindi kasali, hindi pinakikinggan, hindi pinapansin, nananatili sa laylayan. Ang mabuting pastol ay nakababad, hindi siya malayo. Alam niya at ramdam niya ang hinaing, hindi lang ng nasa loob kundi pati na rin ng mga nasa labas, dahil lumalabas siya. Hindi siya isang tipong pinalaki sa layaw na bigay hilig sa luho at walang gaanong alam sa daigdig ng mga nasa laylayan dahil lumaki sa mala-palasyong tirahan.
Ngayon naman, pangalawang punto, dumako tayo sa second reading sa Book of Revelation. Sa dulo ng pagbasa, sinasabi ni San Juan, “Ang korderong nasa gitna ng trono ay siyang magiging pastol nila.”
Noon pa man, nagtataka na ako tungkol sa paglalarawan kay Kristo bilang sabay na Mabuting Pastol at Kordero ng Diyos! Matagal ko nang tinatanong sa sarili ko, hindi ba magkasalungat ang dalawa? Ang isa ay nagpapastol at ang kordero naman ay pinapastulan. Alin ba talaga sa dalawa?
Ang tinatawag na kordero ay ang pinakabata o pinakabisero sa mga tupa. Sila ang pinakamahina at pinakapaboritong biktimahin ng mga asong gubat. Siyempre, maliit pa kasi sila at bata, mabagal tumakbo. Pwedeng matapakan ng mas malalaki. Mahina pa ang mga tuhod, pwedeng mahulog sa bangin.
Kaya pala nang magpakita ang Kristong muling nabuhay kay Pedro at tinanong siya, MAHAL MO BA AKO? Ang unang habilin ni Hesus sa kanya ay “Pakainin mo ang aking mga kordero.” Ibig sabihin “Huwag mo sanang pababayaan ang mga maliliit.”
Sa lipunan, kapag ang namayaning prinsipyo ay MATIRA ANG MATIBAY, marami talagang mapapabayaan—ang mga mahihirap, mga maliliit, mga walang kalaban-laban. Sila ang madalas samantalahin ng mga asong gubat. Maraming asong gubat sa lipunan natin—gumagamit sila ng lakas, pera, dahas, para manalo sa eleksyon. Mga tipong patron ang dating, kapag eleksyon lang galante. Mahilig manlinlang, parang iyung wolf sa kwento ng Little Red Riding Hood, nagpapanggap na lola, iyon pala mandarambong. Sinasamantala ang mga mahihirap na dahil sa karukhaan, kung minsan ay napipilitang kumapit sa patalim. Gumagamit sila ng pera kapag eleksyon na parang paen na pangbingwit. Iyun pala kapag nabingwit ka, hindi ka na makakapalag, piprituhin ka nang buhay, wala ka nang kawala!
Kaya pala pinagsasama sa Christian tradition ang Pastol at Kordero, pinag-iisa. Dahil ang pastol ay handang maging kordero, handang mag-alay ng buhay alang-alang sa kawan. At inuuna ang kapakanan ng pinakadehado, pinakamahina, pinakakawawa.
At ngayon naman ang pangatlong punto na ating kukunin sa ating ikatlong pagbasa sa ebanghelyo. Sinasabi ng Panginoon na ang kawan ay ipinagkatiwala sa kanya ng Ama, kaya hindi niya sisirain ang tiwala ng Ama sa kanya, aalagaan niya ang kawan alang-alang sa Ama, dahil ako at ang Ama ay iisa, wika niya.
Hindi ba kayo nagtataka na sa taong ito, nagsabay ang Good Shepherd Sunday sa Mother’s Day? Hindi kaya dahil may ipinahihiwatig sa atin ang Panginoon?
Para sa akin, at sa maraming mga Pilipino, ang mga ina ang pinakamabuting mga huwaran ng Mabuting Pastol. Lalo na ang mga inang maagang nabalo o nawalan ng katuwang sa buhay at ngayon ay magiging single mother na sasabak sa responsibilidad ng pagpapalaki sa mga anak at gagampan sa gawain ng Ama at Ina.
Ganito ang naranasan ng yumaong nanay ko. Biro nyo, labingtatlo kaming magkakapatid at maaga ding namatay ang tatay namin. Pero inako ng nanay ko pati ang gawain ng tatay ko at pinatapos kaming lahat sa kolehiyo. Iyong kahit wala na ang tatay namin, parang nandoon pa rin siya. Para siyang ang Mabuting Pastol na nagsabing “Ang ama at ako ay iisa.” Si nanay rin, para dumating sa punto na ang gawain ng tatay at nanay ay naging iisa sa kanya.
Bukas po halalan na. Sa araw na ito ng Linggo ng Mabuting Pastol, itanong natin sa sarili kung ang napili nating magpapastol sa ating bayan ay malapit man lang sa mga katangian ng isang Mabuting Pastol. Siya ba’y handang lumabas at makibabad sa mga nasa laylayan? Siya ba’y handang maki-identify at magtanggol sa mga maliliit na kordero at handang magbuwis ng buhay para sa kanila kapag nilusob ng mga mandarambong na asong gubat? Siya ba’y pwedeng maging tatay at nanay sa bayan na hindi niya hahayaang lumaking parang mga ulilang pinabayaan?
Huwag po sanang kalilimutan ng mga botante sa atin na bumoto nang tama at ayon sa konsensya bukas alang-alang sa bayan, at sa kinabukasan ng inyong mga anak at apo. Happy Mother’s Day po sa inyong lahat.