604 total views
Hinimok ng Philippine Misereor Partnership Incorporated (PMPI) ang publiko na isabuhay ang “sapat-lifestyle”.
Ayon kay Mel Asia-program officer ng Anti-Mining Campaign ng PMPI, mahalagang baguhin ang mga nakasanayang gawain lalo na kung nagdudulot ito ng hindi magandang epekto sa kalikasan.
Inihalimbawa ni Asia ang pagbili sa mga mobile phone ngunit nagtataglay ng maraming minerals tulad ng gold, copper, at silver na nagmumula sa pagmimina sa kabundukan.
“Kailangan nating tingnan kung kailangan ba talagang panay tayo palit nang palit ng bagong unit ng mobile phones. Kasi sa study namin, nakita namin na ang mga cellphone pala ay maraming minerals na makukuha sa loob ng isang unit pa lang,” ayon kay Asia sa panayam ng Radio Veritas.
Iminumungkahi naman ng PMPI sa mobile phone companies na i-recycle na lamang ang mga lumang cellphones upang maiwasan din ang patuloy na pagmimina sa mga bundok.
Maituturing na maliit na piraso lamang ang mga mineral na makikita sa isang unit ng cellphone ngunit nagdudulot ito sa pagkasira ng kalikasan dahil sa pagmimina.
“Kailangan nating makaroon ng change ng perspective na gumagana pa naman ang ating mobile phones so hindi natin kailangang mag-upgrade kasi ito ang uso,” pahayag ni Asia.
Batay sa tala, tinatayang nasa 3.5 bilyong katao o halos kalahati ng populasyon ng mundo ang gumagamit ng cellphone at patuloy pa itong dumarami kada araw.
Napag-alaman din sa pagsusuri na ang isang pangkaraniwang indibidwal ay madalas na nagpapalit ng cellphone kada dalawang taon nang hindi nireresiklo ang lumang unit na nauuwi sa pagkakaroon ng mga nakakalasong basura at pagsasayang ng kagamitan.
Sinabi ng Kanyang Kabanalan Francisco na gamitin ang makabagong teknolohiya sa pagpapaunlad ng pamumuhay ng mamamayan na may paggalang sa kapakanan ng tao at kalikasan.