185 total views
Kailangang tiyakin ng Commission on Elections o COMELEC na maayos ang sistema ng nakatakdang halalan sa ika-9 ng Mayo, 2016.
Iginiit ni Sr. Mary John Mananzan – Convenor ng AES Watch at Kontra Daya na napaka- kritikal ng nalalapit na halalang pambansa dahil masyadong dikit ang resulta ng mga lumalabas sa iba’t-ibang survey lalo na sa limang kandidato para sa pagkapangulo na maaring maging dahilan ng kaguluhan kapag nagkaroon ng pagkakamali sa proseso o sistema ng isasagawang halalan.
“Napaka-importante na lahat lahat ng tao ngayon magbantay kasi alam niyo naman napaka-tense itong election na ito kasi lima lima ang sa presidentials tapos medyo nagkakalapit lapit sila, kaya konteng bahid lang ng pagkakamali dyan ay protestahan yan, siguro buong taon walang gagawin ang gobyerno kundi mag-ano ng protesta, kaya napakaimportante na atleast yung sistema man lang ay kapanipaniwala diba..” pahayag ni Sr. Mananzan sa Radio Veritas
Dahil dito, nanawagan ang Madre sa bawat isa na makiisa sa pagbabantay upang matiyak ang kaayusan sa bawat presinto sa darating na ika-9 ng Mayo.
Magugunitang, noong nakalipas na halalan nakapagtala ng 2.3 percent Discrepancy sa Accuracy ng PCOS Machine.