184 total views
Naniniwala si Australian Missionary Sr. Patricia Fox na may ‘krisis sa katotohanan’ sa Pilipinas at maging sa iba pang panig ng mundo.
Ito ang pagsang-ayon ni Sr. Fox, isang Australian Rural Missionary at volunteer staff ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura sa pahayag ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na umiiral sa Pilipinas ang crisis of truth lalu sa magkakaibang interpretasyon ng mga eksperto sa Saligang Batas.
Naging isa sa mga speaker si Sister Fox sa pagtitipon ng mga pari ng Archdiocese of Manila, mga layko at mga law experts sa San Carlos Seminary upang pag-usapan ang umiiral na krisis ng katotohanan sa bansa.
Si Sister Fox ay inaresto noong April 16 dahil sa bintang na pakikiisa sa political activities at pagiging bahagi ng International Fact Finding and Solidarity Mission sa Mindanao dahil sa umiiral na batas militar sa rehiyon na naging resulta upang isailalim sa deportation ang madre.
Nanawagan si Sister Fox sa Simbahan na patuloy na gamiting sentro ng paglilingkod ang social teachings of the church na ang pangunahing misyon ay kapayapaan, katarungan at katotohanan. “Sana maganda ang … bible, social teachings of the church sana maging sentro to the church’s mission justice, peace and truth,” ayon kay Sr. Fox.
Una na ring dumalas ang mga pagtitipon at pagkilos ng simbahan at mga layko nang arestuhin ang madre, na nasundan ng usapin ng ‘quo warranto petition’ laban naman sa punong mahistrado.
“Siguro, mga tao ay gising na, alam nila kung anong klaseng lipunan ang gusto nila at paano magtagumpay ang gusto nila kasi gusto ng tao ay kapayapaan, kalayaan may demokrasya.” ayon pa kay Sr. Fox.
Ayon kay Sr. Fox, ang mga gawaing ito ay isang pagpapatunay na ang mga Filipino ay hindi natutulog sa mga usapin para isulong ang hangarin na mamuhay sa lipunang payapa, malaya at may demokrasya.
Umaasa naman si Sr. Fox na magbabago pa ang desisyon ng pamahalaan kaugnay sa kaniyang estado sa pananatili bilang misyonero sa Pilipinas na 27 niyang naging tahanan.
Base sa kautusan, Si Sr. Fox ay dapat na umalis ng bansa sa May 25, sakaling hindi paboran ang kaniyang motion for reconsideration.
Nagpapasalamat naman ang misyonero sa suporta at pagmamahal na ibinigay sa kanya ng mga Filipino.