226 total views
‘Walang Diyos.’
Ganito isinalarawan ni dating Catholic Bishops Conference of the Philippines president at arsobispo emerito ng Lingayen Dagupan, Archbishop Oscar Cruz ang administrasyong Aquino matapos ang madugong dispersal ng mga pulis sa mga magsasaka na nagbarikada dahil sa gutom na sa Kidapawan City, North Cotabato.
Ikinagalit ng arsobispo ang ganitong uri ng pagpaslang na hindi na kinilala at nirespeto ang dignidad at karapatan ng mga magsasaka na ipahayag ang kanilang panawagang bigas dahil sa gutom na kanilang nararanasan ngunit dahas ang pinairal.
Hindi maiwasang ikumpara ni Archbishop Cruz ang Mendiola Massacre sa Kidapawan Massacre na parehong mga magsasaka ang mga nasawi.
“Ang Mendiola Massacre ay kagagawan ‘yun ng mga landlord at ang presidente noon ay ‘yung nanay niya. Para bang walang Diyos! At ang tao nagugutom hindi basta nakikinig, sabi nga ni Kristo, ‘Mock has no ears.’ ‘Pag nagugutom, ang kailangan niyan pagkain. Pero kako nga imbes na bigas, imbes na pagkain, pinagbabaril pa. Para bang panahon ng hapon, nakakahiya! Ewan ko kung saan mapupunta ito pero ako ho parang nakikita ko panay ang imbestigasyon niyan pero walang kapupuntahan,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Cruz sa Radyo Veritas.
Sa datos noong 1987 labin – tatlong magsasaka ang napatay sa Mendiola Massacre habang labing – apat naman ang nasawi noong 2004 sa Luisita Massacre at ngayon ay halos lima ang nasa sa Kidapawan Massacre at 89 pa rin ang nawawala.