164 total views
Pinaalalahanan ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang mga OFWs o overseas Filipino workers na uuwi sa bansa at magpapadala ng kanilang balikbayan boxes.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, kailangan gugulin ng mga OFWs sa kanilang pamilya ang oras at pagkakataon sa pag-uwi nila sa Pilipinas.
Paalala naman ng obispo sa mga magpapadala ng balikbayan boxes sa kanilang kaanak na magtipid – tipid sa pamimili nang kanilang ipapadala lalo’t mas mahalaga aniyang may naipupundar sila para sa kinabukasan ng kani – kanilang pamilya.
“Ang ating unang paalala sa kanila ay to extend more time with the family much on expending money on time. Ikalawa ay sinasabi natin na mag – ipon at mag – ingat sa paggastos, mag – save para sa kanilang kinabukasan. Ikatlo, yung ipapadala nila yung panawagan naman natin ay sa mga naririto na yung pinadala na kahon na balikbayan boxes na pinaghirapan at pinag – isipan, inayos ay dapat pagdating dito ay ating ingatan, alagaan at pasikupan na ito ay larawan, ito ay bagay ng pagmamahal ng ating mga OFWs na katulad natin ay nagta – trabaho para sa mahal natin sa buhay,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radyo Veritas.
Sinabi pa ni Bishop Santos sa mga tatanggap naman ng padalang balikbayan boxes at remittances sa kanilang kaanak dito sa bansa na suklian ito ng may pagpapahalaga at pagbibigay ng sapat na oras o panahon.
“Pagdating naman dito yung tumanggap ay magpasalamat, magpahalaga at maglaan ng panahon, oras at kwentuhan. Purihin at pasalamatan sa kanilang tinanggap mula sa kanilang mahal sa buhay na saktong – sakto yung sapatos, bagay ko yung damit. Huwag nilang hayaang makalimot na magpasalamat, magpahalaga at pagka – ingatan ang ipinadala,” giit pa ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Ayon sa Bureau of Customs, nasa 1,500 containers ng balikbayan boxes ang pumapasok sa bansa kada buwan o katumbas ito ng 18,000 kada taon o umaabot sa 7.2 milyong balikabayan boxes na maituturing na “love box” ng halos 2.4 na milyong OFWs na lumabas sa bansa mula April hanggang September ng 2015.
Samantala, nauna na ring kinilala ni Pope Francis ang katatagan at sakripisyo ng mga OFWs sa iba’t ibang panig ng mundo na nagsusumikap para lamang maibigay ang magandang kinabukasan sa kanilang pamilya.