402 total views
Ito ang panawagan ni Rodne Galicha, executive director ng Living Laudato Si’ Philippines sa mamamayan ng San Fernando, Romblon laban sa pagbubukas ng minahan sa Sibuyan Island.
Ayon kay Galicha, convernor ng Aksyon Klima, kailangang pag-isipang mabuti ang maaaring kahinatnan ng bayan ng San Fernando partikular na ang mga barangay ng España at Taclobo sakaling matuloy ang operasyon ng pagmimina.
Nagbabala ang environmental advocate na huwag hayaang masilaw ang mga sarili sa mga pekeng pangakong dala ng pagmimina dahil ito rin ang magdudulot ng paghihirap sa mamamayan at kalikasan.
“España at Taclobo, tumayo kayo, huwag pasisilaw sa pangako at pera ng minahan. Huwag na silang hayaang makapagbabarena at makapagbutas para sa eksplorasyon,” ayon kay Galicha.
Iginiit ni Galicha na hindi totoong maghahatid ng pag-unlad at magandang buhay ang pagpapahintulot sa pagmimina sa lalawigan ng Romblon.
Hinimok rin ni Galicha ang lahat na maging matatag sa pagpapahayag ng mga saloobin upang ipagtanggol ang inang kalikasan laban sa pagpasok ng mga malalaking kumpanya na pinsala ang dulot sa kapaligiran at buhay ng tao.
“We get tired, emotional and depressed, but we never give up, never. To our last breath, to your last breath. You will fight for what you care, and care for what you love,” saad ni Galicha.
Ang binabalak na mining exploration sa Sibuyan Island ay popondohan ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC) na pagmamay-ari ng Dynamo Atlantic Ltd.
Kilala ang Sibuyan Island sa taguring Galapagos of Asia dahil sa pananatili nitong nakahiwalay sa anumang bahagi ng Philippine Archipelago at nagsisilbing tahanan sa iba’t ibang uri ng hayop at halaman.