178 total views
Inaanyayahan ng Diyosesis of Baguio ang mga mananampalatayang tutungo sa tinaguriang ‘Summer Capital’ ng Pilipinas na makiisa sa mga banal na gawain sa panahon ng Easter Triduum.
Ayon kay Bishop Victor Bendico, hindi dapat kalimutan ng mga mananampalataya ang tunay na diwa ng pagdiriwang kung saan inaanyayahan ang bawat isa na makipag kaisa kay Hesukristo.
“I would like to invite the faithful particularly those who intend to go to Baguio during the Holy Week to attend the different celebrations, and as much as this would be a good time for us to reflect on the Passion, the death and the resurrection of Jesus,” pahayag ni Bishop Bendico sa Radio Veritas.
Ipinaalala ng Obispo sa mamamayan na maging mahinahon at mapagpasensiya sa masikip na daloy ng trapiko sa mga lansangan bunsod ng dami ng turistang nagpupunta dahil sa mahabang bakasyon.
Pinayuhan ni Bishop Bendico ang mamamayan na sa bawat paghihirap at hamon na kinakaharap ay i-alay ito kay Hesukristo bilang pakikiisa sa paghihirap na kanyang dinanas ng tubusin ang sangkatauhan sa kasalanan.
“If we offer them in oneness to the Good Lord our sufferings and pain would become fruitful and redemptive for each and everyone,” ani ni Bishop Bendico.
RELIGIOUS ATMOSPHERE
Ayon pa kay Bishop Bendico, may mga gawain na inihanda ang mga Parokya sa Baguio City at Benguet kung saan maaaring makiisa ang mga magbabakasyon bilang pag-aalala sa pagtubos ni Kristo sa sanlibutan.
Tinukoy ng Obispo ang Easter Triduum o mula Huwebes Santo kung saan sasariwain ang huling hapunan ng Panginoong Hesukristo kasama ang kanyang mga alagad, Biyernes Santo, ang paggunita sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesukristo at ang Linggo ng Muling Pagkabuhay kung saan ito ang itinuturing na pinaka rurok ng mga pagdiriwang dahil sa matagumpay na pagtawid ni Hesus mula kamatayan hanggang sa buhay na walang hanggan.
“We’ll see to it that it would be reflective of a more religious atmosphere rather than tourism atmosphere,” saad ng Obispo.
Noong 2017 naitala ng City Tourism Office ng Baguio ang 1.7 milyong turistang bumisita sa lugar at lumibot sa mga kilalang pasyalan.
Sinabi naman ni Bishop Bendico na sa nakalipas na 2 taon ay unti-unting dumadami ang lumahok sa mga prusisyon na ginanap sa paligid ng lunsod.