23,240 total views
Hinimok ng Living Laudato Si’ Philippines ang mga mananampalataya na magbagong-anyo para sa sangnilikha.
Ayon kay LLS Philippines executive director Rodne Galicha, ngayong ipinagdiriwang ng simbahan ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon ay magandang pagnilayan ang mga nagawang kasalanan hindi lamang sa kapwa, kundi maging sa kalikasan.
Sinabi ni Galicha na ang Easter Season ay panawagan sa bawat isa na magbago at talikuran ang mga nakasanayang maling gawain upang makamtan ang kapayapaan at kabanalan ng buhay.
“Ang sabi nga ni Pope Francis sa Laudato Si’: On Care for Our Common Home, bilang 237: ‘…ang araw ng Pagkabuhay na Mag-uli, ang “unang araw” ng bagong paglikha, na ang mga unang bunga ay nabuhay na pagkatao ng Panginoon, ang pangako ng huling pagbabagong-anyo ng lahat ng nilikha’,” ayon kay Galicha.
Inihalimbawa nito ang nararanasang ecological crisis sanhi ng labis na pananamantala ng mga tao sa kalikasan.
Iginiit ni Galicha na paulit-ulit nang ipinapaalala sa lahat na ang tao ay katiwala lamang ng sangnilikha at walang karapatang gamitin ito para sa pansariling kapakanan na kalauna’y magdudulot ng panganib sa kaligtasan ng tao.
Apela nito sa mananampalataya na isabuhay ng buong puso ang ecological conversion upang maisalba ang sangnilikha laban sa tuluyang pagkaubos at pinsala.
“Ngayong panahon ng ecological crisis, tayo ay tinatawag upang magbagong-anyo, sa ating mga gawi, sa pakikitungo sa ating kapwa at sa buong sangnilikha. Isang paalaalang kilalanin ang ating pinagmulan, ang buong nilikha, na maging tunay na katiwala at tigilan na ang pananamantala,” saad ni Galicha.