316 total views
Manila,Philippines– Ito ang Lenten message ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa pagsisimula ng banal na panahon ng Kuwaresma sa pamamagitan ng ash Wednesday.
Ayon kay Cardinal Tagle, sa banal na panahon ng kuwaresma ay binibigyan tayo ng 40-araw upang makapaghanda at sumabay kay Hesus na naglakbay patungo sa kanyang kamatayan dala ang pag-ibig sa sangkatauhan.
Inihayag ng Kardinal na sa loob ng 40-araw ay inaanyayahan tayo na alalahanin si Hesus na sinasamahan tayong makasalanan patungo sa kabanalan.
“Nagsimula na naman sa araw na ito ang banal na panahon ng kuwaresma, apatnapung araw binibigay sa atin upang tayo ay makapaghanda na sumabay kay Hesus na naglakabay patungo sa kanyang kamatayan dala ang pag-ibig sa atin. Bagamat walang kasalanan nakiisa sa atin at itinuring na makasalanan, isinakdal kahit walang kasalanan pero ginawa niya ito upang samahan tayong makasalanan at ihatid tayo mula sa kasalanan sa kabanalan.”mensahe ni Cardinal Tagle
Ipinaliwanag ni Cardinal Tagle na ganap nating makakasama si Hesus sa paglalakbay sa pamamagitan ng pagbabagong loob o pagsisisi.
“Sa apatnapung araw ng kuwaresma, tayo ay inaanyayahan na alalahanin si Hesus na hindi nang-iwan sa atin. Upang tayo ay huwag din mang-iwan sa kanya ay magaganap sa pamamagitan ng tinatawag na pagbabagong loob o tinatawag na pagsisisi”.paliwanag ni Cardinal Tagle
Paano natin magaganap ang pagbabagong loob?
Sinabi ng Kardinal na ang taong nagbagong loob ay maraming magagawang mabuti sa kapwa at lipunan dahil kumapit na sa Diyos.
Ayon kay Cardinal Tagle, umiiral ang inggit, galit, kayabangan at paghihigante sa mga taong walang pagbabagong loob.
“Nasa kalooban ng tao nagmumula ang inggit, ang galit, ang kayabangan, ang paghihiganti, ang pag-iisip ng masama sa kapwa. Kaya inaanyayahan tayo na bumalik na sa Diyos at magbagong loob. Papaano natin magaganap ang pagbabagong loob? Ang taong nagbagong loob ay kumapit na sa diyos, iyan ay maraming magagawa para sa kapwa at lipunan”.pagtitiyak ni Cardinal Tagle
Inihalimbawa ng Kardinal ang “Lenten message” ni Pope Francis na ating mapapangatawanan ang pagbabagong loob kung matutuklasan ng ating loob ang salita ng Diyos na magiging kontribusyon natin sa pagbabago ng mundo.
Dagdag pa ng Kardinal, ipinaalala ni Pope Francis na bukod sa salita ng Dios nilang regalo pati ang Kapwa tao ay regalo.
“Sa lenten message ni Pope Francis, dalawang simpleng bagay para ating mapangatawanan ang ating pagbabagong loob na magiging kontribusyon natin sa pagbabago ng mundo. Una sabi niya, sana matuklasan ng ating loob ang salita ng Diyos bilang talagang regalo ng diyos. Sa pagpapahid ng abo, ang isang sasabihin ay “REPENT AND BELIEVE IN THE GOSPEL”. Magbagong loob ka, magsisi ka at manalig sa salita ng Diyos. Ang salita ng diyos ay liwanag sa ating paanan, sa ating paglalakbay, ang salita ng diyos kapag pinakinggan at hinayaang tumimo sa ating puso ito ang magiging daan para lalo tayOng makilala sa diyos at mai-ugnay natin ang kalooban natin sa kanyang kalooban. Bukod sa salita ng Dios nilang regalo pati ang Kapwa tao ay regalo rin, Kaya alay-Kapwa. Hindi pabigat na suliranin ang Kapwa bagkus regalong dapat kalingain. Tulad ng pagkalinga ni Jesus sa mga makasalanan”.bahagi ng lenten message ni Pope Francis, ayon kay Cardinal Tagle
Hinikayat pa ni Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na ang matitipid sa pagtitika at pag-aayuno ay gawing pagkain ang salita ng Diyos,ang Bibliya.
Umaasa ang kanyang Kabunyian na sa loob ng apatnapung araw ng banal na panahon ng kuwaresma ay maging marubdob ang pakikinig, pagbabasa at pagdarasal ng salita ng Diyos ng mga mananampalataya.(Newsteam)