255 total views
Dalhin si Hesus sa pagdalaw sa kapwa lalo na sa mga bilanggo.
Ito ang paanyaya ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle incoming Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples ginanap na misa sa sa New Bilibid Prison Maximum Security.
Ayon sa Cardinal, tulad ng pagdalaw ng mahal na birheng Maria kay Elizabeth, nawa ay dalhin din ng bawat isa si Hesus bilang biyaya ng kagalakan sa kanilang kapwa.
Aniya, kung ang mga pagdalaw ng tao ay panandalian lamang, nang dumating naman si Hesus sa sanlibutan ay hindi na ito lumisan dahil siya ang tinatawag na Emmanuel.
Nangangahulugan ito ayon kay Kardinal na sumasaatin ang Diyos sa araw-araw, o sa anumang yugto ng ating buhay.
“Ibig n’yang dumamay sa kaligayahan at tumulong at higit sa lahat, nasa sinapupunan ni Maria si Hesus. Hindi mapapantayan yan ng kahit anong bitbit. Kapag dumalaw, dalhin si Hesus. Dalhin ang Kan’yang pakikipagkapwa tao, dalhin ang Kan’yang pagdamay, dalhin ang Kan’yang ngiti, dalhin ang Kan’yang salita na nakakapawi ng mga mabibigat na pasanin… Si Hesus, patuloy na dadalaw sa ibang tao sa pamamagitan natin.” Bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle.
Pinayuhan naman niya ang mga bilanggo na maging sensitibo sa nadarama ng kanilang kapwa na hindi makatatanggap ng dalaw ngayong kapaskuhan.
Nawa ayon sa cardinal na ang maging dalaw na magdadala ng kasiyahan at ng salita ni Hesus sa mga nalulungkot at nalulumbay nilang kasamahan, maging sa mga empleyado ng NBP na mananatili sa trabaho ngayong pasko at bagong taon.
“Ikaw ang dumalaw, ikaw ang magdala ng pagdamay at kaligayahan. At higit sa lahat, higit sa lahat katulad ng sinabi ko kanina, si Hesus katulad nung unang pasko, dumalaw, pero hindi na umalis. Para sa mga walang dalaw sa araw ng pasko, imulat mo ang mata mo, si Hesus dumadalaw sa iyo… Si Hesus hindi ka kakalimutan at hindi ka iiwan.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Ipinaalala pa nito na kung ang buhay ng mga bilanggo ay walang kasiguraduhan kung kailan sila magkakaroon ng kalayaan, ang natatangi at natitiyak namang kasiguraduhan sa mundo ay ang pag-ibig ni Hesus sa bawat tao lalo na sa mga naisasantabi sa lipunan tulad nila na mga nasa loob ng piitan.
Dahil dito, tiyak na magpapatuloy ang pasko dahil na rin sa pagmamahal ni Hesus.
Humigit kumulang isang libong mga bilanggo ang nakiisa sa taunang pagdiriwang ng banal na misa na pinangunahan ni Cardinal Tagle, para sa nalalapit na kapaskuhan.
Matapos ang banal na misa ay nagsagawa ng gift giving ang Caritas Manila at Restorative Justice Ministry kung saan namahagi ito ng mga hygiene kits sa mga bilanggo.