185 total views
Umaapela ng panalangin at kahandaan ang dating Social Action Director ng Diocese of Alaminos na si Father Wendell De Vera matapos ang magnitude 5.3 na lindol sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon kay Fr. De Vera, bagamat walang pinsala na naiulat ay mahalaga na magdasal at magkaroon ng kahandaan ang mamamayan mula sa mga banta ng kalamidad gaya ng paglindol.
Aminado ang pari na may kalakasan ang naramdaman na pagyanig bagamat hindi naman ito nagtagal at pinagpapasalamat na lamang nila na hindi na ito nagdulot ng malawak na pinsala.
“Sandali lang naman, wala naman pinsala, kagabi naramdaman namin malakas pero sandali lang, tinanong ko ang Pari sa Bolinao wala naman naiulat na pinsala,”pahayag ni Fr. De Vera sa panayam ng Radio Veritas.
Naramdaman din ang ilang segundong pagyanig sa bahagi ng Diocese of Urdaneta.
Sinabi ni Father Abet Viernes, social action director ng Diocese of Urdaneta na wala namang destruction o pinsala sa kanilang lugar.
Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS naitala ang sentro ng pagyanig 31 kilometro hilaga ng Bolinao, Pangasinan.
Naramdaman ang intensity 4 sa Lingayen, Pangasinan at Alalem, Ilocos Sur habang intensity 3 naman sa San Carlos, Pangasinan, Makati City Pasig City at Quezon City.
Magugunitang 12 araw mula ngayon ay gugunitain ang ikatlong taong paglindol sa lalawigan ng Bohol at Cebu kung saan tinatayang nasa mahigit 200 ang nasawi at halos isang libo katao ang nasugatan.