244 total views
Naka-alerto ang iba’t-ibang Social Action Centers ng Simbahang Katolika partikular na sa Luzon region dulot ng masamang panahon na dala ng Tropical Depression Maring.
Sa pakikipag-ugnayan ng Damay Kapanalig Program ng Radyo Veritas sa mga Social Action Center sa bansa, tiniyak ng ilang mga Pari ang kanilang patuloy na pagmomonitor sa mga kaganapan sa kanilang mga nasasakupan bagamat wala pa naman naitatalang insidente ng pangangailangan maliban sa ilang mga pagbaha.
Sa Virac Catanduanes, Sinabi ni Diocese of Virac Social Action Director Rev. Fr. Renato Dela Rosa na maganda na ang panahon sa kanilang lugar bagamat wala pa ring biyahe ng Roro papunta at paalis ng Isla.
“Normal naman po now ang weather condition mainit na. kahapon lang po whole day maulan. d naman nagdulot ng baha. wala pa rin byahe ang roro goin to our island and vice versa. hope mamaya maalis na ang signal warning para normal na rin.” Mensahe ni Fr. Dela Rosa.
Sinabi naman ni Laoag SAC Director Fr. Ronie Pillos at San Fernando la Union SAC director Sister Sonia Hernandez na hindi pa nila nararamdaman ang epekto ng bagyong Maring sa kanilang lalawigan ganun na rin sa San Fernado La Union.
“Sa ngayon po wala pa msyadong epekto ang bagyo, pray tayo lahat na malampasan uli natin tong bagyo.” Ani Fr. Pillos
“Okay na okay po kami maganda ang sikat ng araw as of this time wala sign ng masamang panahon.” Mensahe mula kar Sr. Sonia ng La Union.
Sinabi naman ni Fr. Jayson Siapco ng Lipa Arcdiocesan Social Action Center na humupa na ang pagbaha sa ilang mga bayan ng Batangas matapos tumigil ang malakas na pagbuhos ng ulan.
Suliranin naman ang trapiko sa Pampanga dulot ng pagbaha at patuloy na mga road constructions sa ilang pangunahing kalsada ng lalawigan.
“Still ok. ngayon lang umaga umulan though it is quite a heavy downpour, all roads passable, mahirap lang because of the many road constructions causing traffic jams.” Pahayag ni Gally Galla ng Social Action Center ng Archdiocese of San Fernando Pampanga.
Kaugnay nito umapela naman ng pagdarasal at patuloy na pagbabantay at pagtutulungan si Caritas Manila Disaster Risk Reduction and Response Priest Minister Rev. Fr. Ricardo Valencia para sa mga naapektuhan ngayon ng nasabing bagyo.
Batay sa impormasyon ng Philippine Atmospheric Geohysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, patuloy na mararanasan ang masamang panahon sa Metro Manila at iba pang lalawigan sa Luzon ngayong araw dulot ng Tropical Depression Maring at Typhoon Lannie.