10,090 total views
Homiliya para sa Misang Paggunita kay San Antonio de Lisbon, 13 Hunyo 2024, Mt 5:20-26
“Magdilang-anghel ka nawa!” Ito ang sinasabi natin sa Pilipino pag may binigkas na hula ang iba na ibig nating magkatotoo. Isang taong may dilang anghel, ito ang turing ng mga taga-Padua kay San Antonio dahil sa tindi ng kanyang pamamahayag sa salita ng Diyos. Sa office of the readings para sa morning prayers sa araw na ito ng paggunita kay San Antonio, humugot ako ng inspirasyon mula sa isang homily ni San Antonio na isang importanteng paalala lalo na sa mga tagapangaral ng Salita ng Diyos. Sabi ni San Antonio, “Sa Espiritu kumukuha ang apostol ng ipinahahayag niyang salita. Mapalad ang tagapangaral kung ang mga salita niya ay sa Espiritu nanggagaling at hindi lang sa kanya. May mga taong nagsasalita batay sa idinidikta ng sarili nilang karakter ngunit nagnanakaw ng salita mula sa ibang tao at nagkukunwaring kanila ito para maparangalan sila.’”
“May sinasabi ang Panginoon tungkol sa ganyang mga tagapangaral, ayon kay Propeta Jeremias 14:14-15. ‘Hindi ako natutuwa sa mga propetang nagnanakaw ng aking salita mula sa isa’t isa. Hindi ako natutuwa sa mga propetang bumibigkas ng kasinungalingan sa pangalan ko. Hindi ko sila sinugo at hindi ako nagsalita sa kanila. Hindi galing sa akin ang mga pangitaing sinasabi nila sa inyo; walang kabuluhan at mga kathang-isip lang ang mga ipinahahayag nila. Inililigaw nila ng landas ang aking bayan. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing, parurusahan ko ang mga sinungaling na propetang iyan. Sinasabi nilang walang darating na digmaan o taggutom sa bansang ito, pero sila mismo ay sa digmaan at taggutom mapapahamak.’”
Ito rin ang tema ng ating mga unang pagbasa mula pa kahapon: ang paninindigan ni Elias para kay Yahweh, Diyos ng Israel, laban sa mga sinungaling na propeta ng mga diyos-diyosang Baal at Asherah. Narinig natin kahapon ang tungkol sa ginawang mga padasal, pasayaw, padugo at iba pang mga pakulo ng mga huwad na propeta na wala namang bisa kahit na ano, walang epekto ni katiting. Sa unang pagbasa naman ngayon, sa gitna ng krisis ng tagtuyot at taggutom, umakyat ng bundok si Elias at nagdasal ng ulan, kahit alam niyang tinutugis siya ng Hari Ahab, dahil siya na lang ang huling propetang natitirang buhay sa Israel. Magpapatuloy pa hanggang bukas ang dramang ito.
Sa ebanghelyo, nililinaw ng Panginoon sa kanyang aral sa bundok ang tunay na pinagmumulan ng kapangyarihan ng salita na wala sa mga Eskriba at Pariseo, hindi galit at panghuhusga kundi kababaang-loob. Pagiging handang magsisi at makipagkasundo. Sa ating aklamasyon kanina sa aleluya, isinuma ng Panginoon ang lahat ng kautusa sa iisa na lang: “pag-ibig sa isa’t isa tulad ng pag-ibig ni Kristo sa atin.” Kaya pala nasabi minsan ni San Pablo sa kanyang Unang Sulat sa mga Taga-Corinto 13:1-2, “Kahit makapagsalita ako sa ibaʼt ibang wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lang akong batingaw na umaalingawngaw o pompiyang na nag-iingay. Magkaroon man ako ng kakayahang magsa-propeta at ng pang-unawa sa lahat ng lihim na katotohanan at lahat ng kaalaman, kayanin ko mang ilipat ang mga bundok sa laki ng aking pananampalataya, kung wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan.“