285 total views
Pinayuhan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples ang taumbayan na magtipid sa nagbabadyang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Ito ang negatibong epekto ng patuloy na pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar.
Pingangambahan ni Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP-ECMIP na ang pananatili ng palitan sa 50-pesos sa isang dolyar ay magpapahirap sa taumbayan dahil tataas din ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado gayundin sa serbisyo.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Bishop Santos ang mamamayan na matutong magtipid o maghigpit ng sinturon para paghandaan ang panahon ng kagipitan at malaking gastusin.
“Ang pagtaas ng palitan ng piso kontra dolyar ay may negative na impact para sa atin, susunod rin na tataas ang presyo ng bilihin. Kaya sana ay magtipid, magsinop, bilhin lamang ang karapat – dapat, mag – ipon sapagkat darating ang araw na kailangan na kailangan natin ng pera at higit sa lahat sa pasukan, sa tag– ulan kailangan natin ng maluwag na pamumuhay at sa pagpapaaral.”panawagan ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Batay sa exchange rate bulletin ng Bangko Sentral ng Pilipinas, nagsara ang palitan ng piso sa 50.25 kada isang dolyar.
Dahil sa mababang halaga ng piso, inaasahan rin na magtataas ang singil sa tubig, kuryente maging ang pamasahe.
Nauna rito, pinuna ng C-B-C-P ang kawalan ng mga programa ng administrasyong Duterte para tugunan ang laganap na kahirapan sa bansa dahil nakatutok lamang ito sa “war on drugs” sa halip na “war on poverty”.
Read:
http://www.veritas846.ph/gobyerno-kulang-ang-focus-sa-paglaban-sa-kahirapan/
http://www.veritas846.ph/simbahan-sa-gobyerno-tutukan-naman-ang-paglikha-ng-poverty-alleviation-programs/
Batay sa Annual Poverty Indicators Survey, ang monthly poverty threshold o buwanang gastusin ng isang pamilya na binubuo ng limang miyembro ay P8,022 kada buwan upang makamuhay ng marangal at matiwasay.
Sa pinakahuling survey ng S-W-S, 11.2-milyong Filipino ang walang trabaho o jobless sa huling quarter ng taong 2016.
Lumabas din sa survey na 44-porsiyento o katumbas ng 7.7-milyong pamilyang Filipino ang dumaranas ng kahirapan.(Romeo Ojero)