277 total views
Mga Kapanalig, ginugunita natin sa araw na ito ang pagkakapaslang kay Benigno “Ninoy” Aquino, Jr, asawa ni dating Pangulong Cory, mga bayani ng demokrasya sa Pilipinas.
Tatlumpu’t apat na taon na ang nakalipas, noong 1983, nang barilin sa ulo si Ninoy habang bumababa ng eroplano sa noo’y Manila International Airport kasama ang mga sundalong magdadala sa kanya sa bilangguan. Matapos ang tatlong taóng exile sa Amerika upang magpagamot matapos atakihin sa puso, bumalik siya sa Pilipinas upang tumakbo sa pagkapangulo at labanan ang diktador na si Ferdinand Marcos sa halalang gaganapin dapat noong 1984. Bago nito, kilalá si Ninoy na matapang na kritiko ni Marcos, ng kanyang autokratikong pamamalakad ng pamahalaan, at ng malawakang pagnanakaw ng kanyang pamilya at cronies sa kaban ng bayan sa harap ng lumalalang kalagayan ng maraming Pilipino. Dinakip si Ninoy sa araw na isinailalim ang Pilipinas sa batas militar at walong taóng ibinilanggo. At ang pagkakapatay sa kanya noong 1983, sa araw na ito, ang naging ningas ng paglaban ng mga Pilipino kay Marcos hanggang sa maganap nga ang mapayapang People Power Revolution noong 1986.
Agad na sumasagi sa ating isip ang salitang “demokrasya” sa tuwing mababanggit ang pangalan ni Ninoy. Marahil, magandang pagkakataon ang araw na ito upang balikan natin ang kanyang pagpapaliwanag kung anong uri ng demokrasya ang kanyang isinusulong noon. Sa panayam para sa isang pahayagan sa Amerika, inilarawan niya ang kanyang sarili bilang isang “Christian socialist.” Paliwanag niya sa isang hiwalay na forum, may tatlong pangunahing prinsipyong isinusulong ang isang Kristiyanong naniniwala sa pagkakapantay-pantay ng lahat ng tao. Una, may pantay na pagkakataon ang lahat upang umunlad at lumago bilang tao; ibig sabihin, kahit ang pinakamahirap na tao ay dapat bigyan ng pantay na oportunidad upang makapag-aral. Ikalawa, nagmumula ang pagiging lehitimo o pagkamarapat ng pamahalaan sa balota, hindi sa bala. Ngunit, paalala ni Ninoy, dapat pa ring kilalanin at itaguyod ng mga nanalo sa halalan ang karapatan ng mga hindi sumuporta sa kanila. Ikatlo, hindi naniniwala ang isang Christian socialist sa pananamantala ng isang tao sa kanyang kapwa, sa isang uri ng kapitalismong pinapayaman pa lalo ang mga mayayaman habang patuloy na nalulugmok sa kahirapan ang mga mahihirap. Hindi naniniwala si Ninoy na isang tao o pamilya lamang ang dapat na may kontrol o monopolyo sa mga kumpanya ng kuryente, komunikasyon, o eroplano.
Kinikilala sa mga panlipunang katuruan ng Simbahan ang kakayahan ng isang demokratikong sistema ng pamahalaan na isulong ang dangal ng tao at ang kabutihan ng lahat. Sa isang demokrasya, may pagkakataon ang mga mamamayan na piliin ang kanilang mga pinuno. May mga itinatatag na mga sistema at institusyong magpapanagot sa mga nasa pamahalaan. Ngunit, kahawig ng sinabi ni Ninoy, ang tunay na demokrasya ay nakapagbubuo ng mga kundisyon kung saan mapauunlad ng mga tao ang kanilang sarili sa pamamagitan ng edukasyon at nalilinang ang sama-samang pananagutan (o shared responsibility) ng lahat.
Bagamat maaaring iba na ang mga nangyayari noong dekada ‘70 at ’80 sa mga nangyayari ngayon sa ating bayan, hindi natin maiwasang isiping akma pa rin sa kasalukuyan nating kalagayan ang mga sinabi ni Ninoy tungkol sa demokrasya. At kung pagninilayan natin ang mga nagaganap sa ating paligid at buhay-pulitika, para bang nananatiling pangarap pa rin ang isang lipunang may pagkakataon ang mga mahihirap na umunlad; ang isang lipunang iginagalang ang proseso ng halalan; ang isang lipunang walang napag-iiwanan, lahat kasama sa paglago ng bayan.
Mahigit 30 taon na mula nang patayin si Ninoy at mula nang maganap ang mapayapang rebolusyon sa EDSA, ngunit mukhang malayo pa ang ating lalakbayin, matagal pa ang panahong kailangang gugulin upang makamit ang pangarap ni Ninoy para sa ating bayan. Maghihintay pa ba tayo ng isang “Ninoy” upang maganap ang tunay na pagbabago sa ating bayan?
Sumainyo ang katotohanan.