600 total views
Hinamon ng arsobispo ng Maynila ang mamamayan na maging anghel sa kanilang kapwa.
Ito ang mensahe ng Kanyang Kabunyian Jose Cardinal Advincula sa kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael nitong September 29.
Ayon kay Cardinal Advincula, nawa’y maging masigasig ang bawat isa na kalingain ang kanilang kapwa lalo’t higit ang naisasantabi sa pamayanan.
“Hinahamon tayo ng mga Arkanghel na maging anghel din sa ibang tao, na maging tugon sa kanilang mapapait na panalangin, na magdala ng paghilom at hindi ng pananakit, panunugat; na magpamulat sa liwanag ng Diyos at maging kalakbay na presensya ng Diyos sa kanilang buhay,” ayon kay Cardinal Advincula.
Ipinaliwanag ng arsobispo na tulad ng mga anghel ay maging daan ang tao upang dalhin sa harapan ng Panginoon ang kanilang mga intensyon sa pamamagitan ng mga panalangin at tulungang maibalik sa landas ng Diyos.
Sinabi ni Cardinal Advincula na naisasagawa ito ng mga anghel sapagkat buo ang kanilang atensyong nakatunghay sa mukha ng Diyos.
“Hingin natin ang tulong at panalangin ng mga arkanghel upang mahilom tayo sa ating kabulagan sa Diyos, masilayan ang kanyang mukha, matanto at masunod ang kanyang kalooban,” giit ni Cardinal Advincula.
Pinangunahan ni Cardinal Advincula ang banal na misa sa National Shrine of St. Michael and the Archangel sa Malacañan Complex na dinaluhan ng mga deboto ni San Miguel Arkanghel.
Ang parokya ay itinatag noong 1620s at ang kauna-unahang simbahang itinalaga kay San Miguel Arkanghel.
Kasalukuyan itong pinamumunuan ni Fr. Genaro Diwa katuwang sina Fr. Herbert John Camachoat Fr. Edgar Macalalag.