647 total views
Ang bawat isa ay tinawagan upang maging bayani hindi lamang para sa bayan kundi maging sa mata ng Diyos.
Ito ang binigyan-diin ni Raymond Daniel Cruz, pangulo ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas kaugnay sa paggunita ng bansa sa Araw ng mga Bayani.
Ayon kay Cruz, ang paggunita sa kadakilaang ng mga bayani ay isang ring panawagan sa lahat na maging bayani hindi lamang para sa kapwa kundi para sa Panginoon.
Ipinaliwanag ni Cruz na sa pamamagitan ng maliliit na mga bagay tulad ng pagiging matapat, mapagkawang gawa at mapagmahal ay maipapamalas ang pagiging isang bayani.
“Sa paggunita sa mga bayani natin ang isang pinakamahalagang maintindihan natin ay tayong lahat ay tinatawag na maging mga bayani. Kung gusto nating ipagdiwang ito, maging bayani tayo sa mata ng ating Panginoon sa pamamagitan ng mga maliliit na bagay, sa pamamagitan ng katapatan, sa pamamagitan ng pagmamahal,” ang bahagi ng pahayag ni Cruz.
Sa bahagi ng pananampalatayang Katoliko, itinuturing na mga bayani ang mga karaniwang taong sinaksihan ang kanilang pananampalataya sa hindi pangkaraniwang paraan tulad na lamang ng mga martir at mga santo.
Sa ilalim ng panlipunang turo ng Simbahan hindi nalalayo ang mga katangian ng isang martir o santo sa isang bayaning nagsulong ng tunay na katarungan para sa kanyang bayan.