1,635 total views
Ito ang hamon ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mananampalataya sa Concluding Mass ng 7th Philippine Conference on New Evangelization o PCNE.
Sa pagninilay ni Cardinal Tagle, ipinaalala nito sa mga mananampalataya na tulad ni Kristo, nawa saan man mapunta ang bawat isa ay madala nito ang misyon na pagpapalaganap ng mabuting balita.
Aniya, upang hindi mauwi sa ambisyon ang pagmimisyon ay kinakailangang laging maging bukas ang isang tao sa nais itayo ng Panginoon sa ating buhay.
“Minsan ang misyon nagiging ambisyon. May patutunayan ako sa bayan na yan, may patutunayan ako, kaya kong gawin ito, kaya kong itayo ito, kaya kong simulan ito at tatapusin ko ito. Baka ‘yang tinatayo mo hindi naman ‘yan ang gutong itayo ng Diyos, ang tunay na misyon ay nasa pagkilatis na kung ano ang gustong itayo ng Diyos,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle.
Sa huli, hinamon ni Cardinal Tagle ang mga mananampalataya lalo’t higit ang mga lumahok sa PCNE7 na maging handa sa pagiging butil na ihahasik at magdadala ng presensya ni Hesus sa sangkatauhan.
“Ating ihanda ang ating mga sarili na maging buti ng presenya ni Hesus na ihahasik ng Panginoon sa malawak na lupain ng sangkatauhan.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Ika-28 hanggang ika-29 ng Enero ginanap ang PCNE7 sa Smart Araneta Coliseum, na may temang “At Sino ang Aking Kapwa.”
Tampok din sa PCNE7 ang Ecumenical at Interreligious Dialogue, gayundin ang pagbabahagi at pakikinig sa karanasan at kultura ng mga katutubo sa Pilipinas.
Bilang bahagi ng tradisyunal na pagtatapos ng PCNE, ibinahagi sa bawat isa ang maliit na imahe ng Santo Niño at maliit na lalagyan ng banal na tubig.
Ito ang magiging paalala ng pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas kung saan nabinyagan ang bawat isa, at sinugo sa misyon ng Panginoon.
TULOY ANG PCNE
Sa huling bahagi ng banal na misa, isinagawa ang commissioning o pagsusugo ng mga mananampalataya kay Cardinal Tagle para sa kanyang bagong misyon bilang Prefect for the Congregation of the Evangelization of Peoples.
Inalayan siya ng Krus, imahe ng Santo Niño, aklat ng Mabuting Balita, Banal na Tubig, na mga simbolo ng ating pananampalataya, at panalangin para sa kanyang kahaharaping mga pagsubok dala ng pagmimisyon.
Naging emosyonal ang tagpong ito dahil batid ng bawat isa na maaaring ito na ang huling pagkakataon na makadadalo si Cardinal Tagle sa PCNE.
Tiniyak naman ni Fr. Jayson Laguerta – Director ng Office for the Promotions of the New Evangelization na magpapatuloy ang PCNE kahit aalis na ng bansa si Cardinal Tagle.
“Ang misyon ay hindi nakasalalay sa isang tao, ang misyon ay tungkol kay Hesus at kung tayo ay tumutugon sa tawag ng Panginoong Hesus, lagi tayong handa kahit ano mang mga pangamba laging si Hesus ang magbibigay inspirasyon sa atin na gawin ang misyon at ipagpatuloy ang pagpapahayag ng mabuting balita,” pahayag ni Fr. Laguerta.
Ngayong 2020 umabot sa mahigit 10-libong mga mananampalataya mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ang dumalo sa PCNE7 na ginanap sa Smart Araneta Coliseum.