249 total views
Hiniling sa bagong administrasyon ni Tuguegarao Archbishop Sergio Utleg na itigil na ang umiiral na korapsyon sa mga ahensya ng gobyerno na nagpapalala pa ng kagutuman ng maraming Pilipino.
Ayon kay Archbishop Utleg, kung walang korapsyon makapagbibigay sana ng sapat na puhunan at maliit na interes ang pamahalaan sa mga magsasaka na nagugutom sa bansa, matutugunan rin ang proyekto na ilang taon ng nakabinbin upang wala ng magugutom.
Nanawagan rin ang obispo sa mga bagong opisyal ng bansa na maging tapat sa kanilang pagsisilbi sa bayan sa pagbibigay ng dekalidad na serbisyo publiko.
“Bigyan ng i–credit ang mga tao para kahit mahirap ka pwede kang mapahirapan ng hindi mataas na interes. Tapos yung pagbibigay rin ng input at siyempre bigyan ng trabaho ang mga tao para makabili sila ng pagkain. ‘Yung korapsyon dahil sa korapsyon masama ang daan, walang irigasyon, hindi malusog ang mga tao. ‘Yun ang mga dahilan kung bakit naghihirap ang mga tao,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Utleg sa panayam ng Veritas Patrol.
Nagpapatuloy naman ang Caritas Manila sa pagtulong sa nasa 1,000 maliliit na negosyante sa mga Urban Poor communities programa nitong Caritras Margins na nagpapa – angat sa dignidad ng mga manggagawa at lumilikha ng dekalidad na produkto.
Nabatid na naitala noong 2015 ng Social Weather Stations na 2.8 milyon o 12.7 percent ng mga pamilyang Pilipino ang nakaranas ng gutom sa second quarter ng taong ito.
Nauna na ring binanggit ni Caritas Internationalis president Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa kanyang talumpati sa United Nations Food and Agriculture Organizations sa Roma na 1.3 bilyong toneladang pagkain ang nasasayang kada taon na maaring magpakain ng 900 milyong tao.