247 total views
Maging salamin ng kabutihang loob ng Panginoon upang maranasan ang Pasko sa bawat araw.
Ito ang hamon sa mananampalataya ng pagdiriwang ng Pasko ng pagsilang ni Hesus.
Dahil ang Pasko ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ay ang patunay ng pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na maisilang si Hesukristo upang iligtas ang sambayanan mula sa pagkakasala.
Ang mensahe ni Cardinal Tagle ay kaugnay na rin sa misa para sa pagdiriwang ng Solemnity of the Nativity of the Lord na ginanap sa Missionaries of Charity sa Tayuman Manila.
Ayon kay Cardinal Tagle, si Hesukristo ay isinilang sa sabsaban at nagtapos sa pamamagitan ng pagkakapako sa Krus at iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang anak.
“Kaya ang Pasko ay pagbubukas ng loob ng Diyos, tayo na dapat balewalain na Niya, pinapasok tayo sa kaniyang loob. Sana tayo rin, buksan ang ating kalooban maging magandang loob din tayo.,’’ ang bahagi ng homiliya ni Cardinal Tagle
Dahil dito, sinabi ng Cardinal na marapat lamang na ang bawat isa ay maging saksi sa kabutihan ng Panginoon na tulad ni Juan Bautista ay ibahagi rin ito sa ating kapwa.
“Ngayon po dumating na, tayo ngayon ang mga Juan Bautista sa mundo natin. Lahat po tayo lahat nagpapatotoo, sumaksi tayo na nagmagandang loob nga ang Diyos. At paano ‘yun, hindi lang sa salita sana makita ng mga tao sa atin sa gawa, sa ugali, sa pananalita, sa pakikipag-ugnayan makita sana ng mga tao ang kagandahang loob natin. At pag makita nila ‘yun, sana makita na nila ang kagandahang loob ng Diyos.
,” ayon pa kay Cardinal Tagle.
Dagdag pa niya; “Kung lalaganap lamang ang kagandahang loob araw-araw walang tao na magsasamantala sa kapwa. Walang mag-iisip na gamitin ang kapwa sa maling paraan kahit mapasama siya. Walang mandurugas, walang magsasamantala, walang dudurog sa kapwa. Baka darating ang panahon kapag may kagandahang loob, baka hindi na natin kailangan ang pulis, hindi na kailangan ang military kasi wala namang gagawa ng masama sa kapwa, dahil may kagandahang loob. E di araw-araw magiging Pasko lagi.
.”
Ang pagdiriwang ay dinaluhan ng may 800 batang may sakit na mula sa Missionaries of Charity Home of the Sick Children at mga pamilyang walang tahanan na sama-samang nagsalo-salo ng pagkain sa pagdiriwang ng paggunita ng kapanganakan ni Hesus.