13,622 total views
Naaalarma na ang opisyal ng development at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mapaminsalang epekto ng pagmimina at quarrying sa bansa.
Ayon kay Caritas Philippines vice president, San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, bilang mga katiwala ng daigdig, ang bawat isa’y may pananagutan upang pangalagaan ang kalikasan para sa kapakanan ng susunod pang henerasyon.
Dahil sa lumalalang pinsala sa kalikasan at mamamayan, sinuportahan ni Bishop Alminaza ang Senate Resolution No. 989 ni Senator Risa Hontiveros na hinihikayat ang iba pang mambabatas ng Senado na imbestigahan ang malawakang epekto ng pagmimina at quarrying sa kalikasan at lipunan.
“Recent tragedies and environmental disruptions linked to mining and quarrying underscore the need for a thorough investigation,” pahayag ni Bishop Alminaza.
Sang-ayon ang panukalang resolusyon sa 2015 CBCP Statement na “Stewards Not Owners” na binibigyang-diin ang pananagutan ng bawat isa upang ingatan ang inang kalikasan para sa susunod na henerasyon bilang pagtugon sa ensiklikal na Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Iginiit ni Bishop Alminaza na ang nararanasang climate change ay hindi lamang usaping pangkalikasan, kundi kabilang din sa mga suliranin sa pagkamit ng katarungang panlipunan.
“The plight of communities impacted by the negative effects of mining and quarrying cannot be ignored. Our actions today will shape the well-being of future generations,” ayon sa obispo.
Hiling din ni Bishop Alminaza sa mga mambabatas ng Senado na unahin ang kapakanan ng kalikasan at mga pamayanang madalas maapektuhan ng mga sakuna.
Tinukoy sa senate resolution ang mga nakaraang insidente kabilang na ang pagguho ng lupa sa Maco, Davao de Oro na kumitil sa halos 100 indibidwal.
Gayundin ang malawakang pagmimina sa Homonhon Island sa Guiuan, Eastern Samar na nagdudulot na ng panganib sa mga likas na yaman at kabuhayan ng mamamayan.
“Caritas Philippines stands firmly with Senator Risa Hontiveros and urges the Senate to prioritize the well-being of our environment and vulnerable communities,” saad ni Bishop Alminaza.
Inaasahan naman ng obispo na makikiisa ang mamamayan sa paggunita ng Earth Day sa Abril 22, na pagkakataon upang panibaguhin ang pangakong itaguyod ang responsableng pamamahala sa mga likas na yaman ng bansa.