141 total views
Isang misyon at patuloy na sinisikap ng Simbahang Katolika sa Pilipinas na maging “feel at home” ang mga mahihirap at nangangailangan.
Ito ang binigyang diin ni Nassa/Caritas Philippines chairman Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona sa isinasagawang ika-38 National Social Action General Assembly o NASAGA 2016 sa Archdiocese of Palo, lalawigan ng Leyte.
Ayon kay Archbishop Tirona, ang misyon ng mga Social Action ng Simbahan sa Pilipinas ay tugon sa hamon ng ating pananampalataya na maglingkod at magmalasakit sa kapwa kung saan sa pamamagitan ng iba’t-ibang programa ay natututugunan ng Simbahang Katolika ang mga suliranin ng mga mahihirap,naabuso at nangangailangan ng pagkalinga.
Sinabi ng Arsobispo na kasabay ng pagdiriwang ng Simbahan ng taon ng “awa at habag o “mercy and compassion” ay mas higit pang palalakasin ng Nassa/Caritas Philippines ang tungkulin na ito sa patnubay ng Panginoon.
“Ang mensahe ng pagdiriwang na ito ay isang malaking biyaya para sa Simbahan sa Pilipinas. Ang NASSA ay patuloy sa pagtanggap ng mga hamon para labanan ang kahirapan, puksain ang problema sa HIV, labanan ang malnourishment, human trafficking at tulungan ang mga kababayan natin na maging resilient o maging matatag sa pamamagitan ng self-help group o micro finance at marami pang mga programa. Ang utos na ito ay mula sa Panginoon Hesu-Kristo lalo na ngayong panahon ng compassion and mercy dapat ipakita natin ang malasakit ng Diyos sa pamamagitan ng mapagmalasakit na pagkilos,”pahayag ni Archbishop Tirona sa panayam ng Radio Veritas.
Kasabay ng ika-38 National Social Action General Assembly ay ipinagdiriwang din ang ika-50 taon na pagkakatatag ng National Secretariat for Social Action Justice and Peace sa Pilipinas, ang tanggapan ng Simbahan na namamahala sa mga gawain para sa mga mahihirap at nangangailangan.
Ang 85-Diyosesis at Arkidiyosesis ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ay may aktibong Social Action Program.