2,087 total views
Ito ang panawagan ni Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle, pro-prefect of the Dicastery for Evangelization sa delegasyon ng mga kabataang Filipino sa nagaganap na World Youth Day 2023 sa Lisbon, Portugal.
Sa misang pinangunahan ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Youth Chairman Daet Bishop Rex Andrew Alarcon para sa mga Filipinong delegasyon ay ibinahagi ng Cardinal na ang digital world ay isang malawak at pambihirang daigdig kung saan ang lahat ay maituturing na naninirahan kaya’t marapat lamang na palaganapin din dito ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-impluwensya ng katotohanan, katarungan, at pagiging taga-pangalaga ng kalikasan at kapwa nilalang.
“Lahat tayo inhabitants, resident ng digital world, that is a world that is heavily populated and all of us inhabit that world. Please dear young people of the Philippines spread the influence of Jesus, the influence of truth, justice, caring for the earth, caring for fellow human beings, spread this influence in the world of social media.” Ang bahagi ng mensahe ni Cardinal Tagle.
Tinukoy ng Cardinal ang paglaganap ng mga tinaguriang ‘influencer’ sa makabagong panahon na ginagamit ang social media, internet at digital world sa pagpapalaganap ng iba’t ibang mga ideya at kasanayan sa mas nakararami.
Iginiit ni Cardinal Tagle na higit na mas magiging epektibong ‘influencer’ ang isang indibidwal kung ang impluwensya ni Hesus at ng Salita ng Diyos ang ipapalaganap at ibabahagi sa pamamagitan ng makabagong paraan ng pakikipagkumunikasyon sa digital world.
“We hope as influencers inspired by the Gospel, we will allow Jesus to influence us. Kung influencer ka tanungin mo ‘ano ba ang nakaka-influence sa iyo’ baka ginagamit ka lang nung nag-iinfluence sayo kaya dino-duplicate mo lang yung impluwensya ng iba, but if the one influencing you is Jesus and the Gospel, go right ahead influence other people through this social media which is a world in itself.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Sa tala ng CBCP – Episcopal Commission on Youth, aabot sa 1,500 hanggang 2,000 ang bilang ng mga Filipinong kabataang delegasyon ng Pilipinas sa World Youth Day 2023 na nagaganap sa Lisbon, Portugal.
Kabilang sa pangunahaing gawain sa isang linggong Pandaigdigang Pagtitipon ng mga Kabataan ang First World Meeting of Digital Evangelizers and Missionaries mula sa iba’t ibang mga bansa na layuning isulong ang paggamit ng makabagong pamamaraan sa pagsusulong ng ebanghelisasyon.(reyn)