259 total views
Ito ang paanyaya ni Diocese of Antipolo Bishop Francisco De Leon sa mga mananampalataya kaugnay sa isinagawang Basic Ecclesial Community (BEC) big day ng diyosesis.
Ayon kay Bishop De Leon, malaking papel ang ginagampanan ng B-E-C upang buhayin at mas pag-alabin ang diwa ng kapit-bahayan habang tinutugunan ang mga suliranin sa lipunan bilang nakakaisang komunidad.
“Ang BEC ay isang bagong pamamaraan ng ating simbahan kung paaano mapaglilingkuran ang ating mga parokyano. Sapagkat ang parokya mismo ay masyadong malaki kaya kailangan natin ng maliliit at munting sambayanang Kristiyano upang matugunan ang kanilang pangangailangan,” pahayag ng Obispo.
May layuning buwagin ang pader ng pagkakaiba-iba at pagkakahati-hati, dinaluhan ang selebrasyon ng nasa mahigit isang libong delgado mula sa 9 na bikarya at 72 parokya sa Diocese of Antipolo.
Kaugnay nito naniniwala si Bishop De Leon na kapag nalaman ng bawat isa ang tunay na kahulugan ng BEC, daramiang bilang ng mga parokyano na sasanib sa mas lumalaking komunidad na pangunahing pumapastol sa mga mananampalatayang nalalayo sa simbahan.
“Maaaring hindi pa sila nakikibahagi sapagkat hindi pa nila alam kung ano ang BEC kaya ang unang hakbang ay alamin nila kung ano ang BEC at kapag nalaman nila ito magagandahan sila at sila ay sasali,” ani Bishop De Leon.
Bukod sa magkakasunod na panayam at pagbabahagi, naging sentro din ng Big Day ang paglulunsad ng bagong logo ng BEC Antipolo at opisyal na pagtatalaga ng bagong BEC Secretariat ng diyosesis.
Mababatid na idineklara ng Simbahang Katolika ang 2017 bilang Year of the Parish as Communities na may temang Forming BECs as agents of communion, participation and mission.