14,569 total views
Maging daan ng aliw, pagdamay at kalinga ni Hesus at ng Mahal na Birheng Maria sa kapwa.
Ito ang hamon ni Dicastery for Evangelization Pro Prefect Cardinal Luis Antonio Tagle sa mamamayan sa misang pinangunahan sa Mary Comforter of the Afflicted Parish (MCAP) sa Maricaban, Pasay City sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ni Maria Mapang-aliw sa mga Nagdadalamhati nitong August 25.
Batid ng cardinal ang iba’t ibang uri at sanhi ng dalamhati na kinakaharap ng bawat isa sa pakikipamuhay araw-araw subalit paalala nitong si Hesus ay nakikilakbay at nakikiisa sa mga pighating dinaranas kaya’t dapat hindi mangangamba ang sinuman.
“Ang Panginoong Hesukristo na naging tao at kasama ng kanyang pagiging tao ang pagyakap sa ating mga dalamhati. Kung mayroon mang nakauunawa at magbibigay ng lakas sa atin sa ganyang pagkakataon si Hesus yan, kaya pumunta tayo kay Hesus dito sa Blessed Sacrament, buksan ninyo ang bibliya, mangungusap si Hesus,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Tagle.
Paliwanag ng opisyal ng Vatican na labis ang paghihirap at dalamhating naranasan ni Hesus mula sa mga mang-uusig subalit buong puso at kababaang loob na niyakap ang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus upang tubusin ang sangkatauhan mula sa kasalanan.
Hiniling din ni Cardinal Tagle sa mamamayan lalo na sa mga may kaanak na Overseas Filipino Workers na ipadama ang kalinga at pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan at pakikipag-usap.
“Kung mayroon kayong pamilya na mga Overseas Filipino Workers pakiusap ko po sainyo huwag lang naman yung kailan kayo magpadala ng remittance…kalimitan po ang mabigat bukod sa trabaho ay yung nag-iisa sila at kapag ang pinagtatrabahuhan at ang mga kasama kulang sa malasakit mas lumalalim ang sakit kaya ilapit din natin sila kay Hesus at pag inyo silang nakakausap paalalahanan ninyo na si Hesus ay laging kasama,” dagdag ng cardinal.
Binigyang diin ni Cardinal Tagle na tulad ni Maria na patuloy nanalig sa Diyos sa kabila ng mga pighating naranasan ng ipako sa krus ang kanyang Anak.
Hamon ng cardinal sa mamamayan na huwag mag-alinlangang lumapit kay Hesus lalo na sa mga pagkakataong nakararanas ng paghihirap sa mga hamong kinakaharap sa buhay gayundin ang pagpapadama ng malasakit sa kapwa.
“Kapag tayo naman ang nilapitan dumamay naman tayo sa kapwa at kahit hindi tayo nilalapitan kapag alam niyo na mayroong nagdadalamhati tulad ni Hesus magkusa naman na magbigay ng kalinga, ng pagdamay,” giit ni Cardinal Tagle.
Samantala labis naman ang pasasalamat ni MCAP Parish Priest Fr. Jeffrey Jamias kay Cardinal Tagle na nanguna sa Misa Mayor sa ika – 32 kapistahan ng parokya gayundin sa lahat ng nasasakupang sumuporta sa mga gawain ng simbahan lalo na sa isang buwang paghahanda.
Patuloy din ang apela ng pari sa mamamayan ng panalangin at suporta sa ‘Project Resurrexit’ o pagsasaayos sa buong simbahan ng MCAP para sa mas ligtas at maginhawang pagtitipon ng pamayanan ng Maricaban sa pagdiriwang ng mga gawaing pampastoral at pang-espiritwal.
Sa mga nais makibahagi maaring makipag-ugnayan sa tanggapan ng parokya sa (02) 8811-4381 o sa BPI Magallanes Branch account name: RCAM – Mary Comforter of the Afflicted Parish – Construction, Peso Account Number: 3531-0090-44 o sa Dollar Accouunt Number: 3534-0242-57.