745 total views
Hinimok ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mananampalataya na maging liwanag sa pamayanan.
Sa pagsimula ng Misa de Gallo pinagnilayan ng arsobispo ang buhay ni San Juan Bautista bilang tanglaw na nagniningas upang ihanda ang daanan ni Hesus.
“Mga minamahal na kapatid, hayaan nating tanglawan tayo ng liwanag ni Hesus. Maging liwanag tayo sa mundo nating puno ng kadiliman. Magliwanag tayo dahil taglay natin ang liwanag ni Kristo,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Paliwanag ni Cardinal Advincula na hindi napagod si Juan Bautista sa pagtupad sa kanyang misyon na ihanda ang daraanan ni Hesus hanggang sa kanyang kamatayan.
Binigyang diin ng arsobispo si Juan Bautista ang magandang paalala na huwag mapagod sa paggawa ng kabutihan at pagbabahagi ng liwanag sa pamayanan lalo na ang pagpapalaganap ng Ebanghelyo.
Paalala ni Cardinal Advincula na ang sindi ng mga kandila sa sakramento ng binyag ay tanda ng liwanag ni Kristo na ipinagkakaloob sa sangkatauhan.
Patuloy na hinimok ang mananampalataya na gawing pagkakataon ang mga Simbang Gabi at Misa de Gallo na mas mapalalim ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon sa tulong at paggabay ng Mahal na Birheng Maria.