33,511 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mananampalataya na maging liwanag sa lipunang nababalot ng dilim ng pangamba at kahirapan.
Ito ang mensahe ng arsobispo sa unang araw ng Misa de Gallo na kanyang pinangunahan sa Minor Basilica of the Immaculate Conception o Manila Cathedral.
Batid ni Cardinal Advincula ang mamamayang labis ang pinagdadaanan bunsod ng karamdaman, kawalang sapat na pagkakitaan, kagutuman, kahirapan at iba pang hamon ng buhay.
“Maging liwanag sána tayo na nagbibigay ng pag-asa at lakas ng loob sa ating kapwa,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Advincula.
Sinabi ng cardinal nawa’y tulad ni Juan Bautista bawat isa ay maging ningas sa dumidilim na lipunan.
“Sa lipúnang madilim dahil sa walang katarungan, maraming inaapi at pinagsasamantalahan, . . . maraming baluktot na gawain at patakaran, maging liwanag sana tayo sa pagsisikap na mabuhay ng mabuti, makatarúngan, at matuwid,” ani ng cardinal.
Ayon pa kay Cardinal Advincula kahit sa payak na pamamaraan ay maipakita ng tao sa kapwa ang pagmamalasakit tulad ng pagkilala, pagpapalakas ng loob at pagngiti ay mapagniningas ang diwa upang magkaroon ng pag-asa.
Umaasa rin ang asobispo na maging masigasig ang mananampalataya na kumpletuhin ang pagdalo sa Simbang Gabi at Misa de Gallo upang samahan ang Mahal na Birheng maglalakbay sa pagsilang kay Hesus na tagapagdala ng liwanag at kapayapaan sa sanlibutan.
Kasama ng cardinal sa misa si Cathedral Rector Msgr. Rolando dela Cruz, Vice Rector Fr. Vicente Gabriel Bautista at Fr. Mico Dellera.