298 total views
Tayo’y mga katiwala lamang ng likas na yamang nilikha ng Diyos.
Ito ang mensahe ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco kaugnay sa pagdiriwang ng Laudato Si Week 2021 na nagsimula noong Mayo 16 at magtatapos sa ika-25 ng Mayo.
Ayon kay Bishop Ongtioco, bilang mga Katolikong Kristiyano ay pinagsisikapan ng bawat isa na maging maka-Diyos, makatao, makabayan at higit sa lahat ay ang pagiging makakalikasan.
Sinabi ng Obispo na katulad ng pangangalaga ng tao sa sariling kalusugan ay pangalagaan at mahalin din ng bawat isa ang ating inang kalikasan laban sa mapanirang paraan.
“Ang kalikasan ay ang ating ikalawang tahanan o our second home. Gusto natin maging maayos ang ating bahay at kalusugan kaya ingatan po natin at alagaan at huwag abusuhin ang kalikasan para sa ating kapakanan at para sa mga sumusunod na henerasyon,” mensahe ni Bishop Ongtioco sa Radio Veritas para sa pagdiriwang ng Laudato Si Week 2021.
Binigyang-diin naman ni Bishop Ongtioco na hindi pagmamay-ari ng tao ang kalikasan kaya wala itong karapatang sirain at abusuhin nang basta-basta para lamang sa sariling kapakanan upang pagkakitaan.
Ito’y ipinagkatiwala lamang sa atin ng Poong Maykapal upang higit pang mahalin, pangalagaan at pagyamanin.
“Ipinagkatiwala ng Diyos ito sa atin kaya hindi natin pag-aari ito. Tayo ay mga katiwala lamang at hindi tayo ang may ari nito. Kung papaano natin ginagalang at iniingatan ang ating katawan, ganun sana po ang ating pagpapahalaga sa inang kalikasan,” ayon kay Bishop Ongtioco.
Hinikayat naman ng Obispo ang bawat mananampalataya na hindi lamang sa loob ng isang linggo, kundi pang-habambuhay na gunitain ang Laudato Si Week upang maipakita ang lubos na paggalang at pag-iingat sa likas na yamang ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan.
Ipinagdiriwang ng simbahan ang Laudato Si Week 2021 bilang paggunita sa ikaanim na anibersaryo ng ensiklikal na Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco na unang nilagdaan noong Mayo 24, 2015.
Tema nito ang “Celebrating Change”, kasabay ng pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas na natatanging pagkakataon upang ipagdiwang ang naging gampanin ng simbahan sa pagsasabuhay ng turo ng Laudato Si at ang wastong pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.