482 total views
Ang bawat isa ay tinatawagan na maging magiting para sa bayan.
Ito ang mensahe ni Bro. Jun Cruz – Pangulo ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa paggunita ng ika-80 taong Araw ng Kagitingan.
Ayon kay Cruz, isang hamon sa bawat Pilipino ang paggunita ng Araw ng Kagitingan ngayong taon upang maging magiting sa pananalita, pagkilos at pagpapamalas ng pagmamahal sa kapwa at bayan.
Ipinaliwanag ni Cruz na tulad ng magiting na pagmamahal ng Panginoon sa sangkatauhan ay maipapalamas rin ng bawat isa ang kagitingan sa bayan sa pamamagitan ng paggawa ng tama at pagtataguyod ng katotohanan lalo na ngayong panahon ng halalan.
“Isang napakataas at matayog na hamon po sa lahat sa atin ay ang maging magiting, sana po ay maging magiting tayo sa ating pananalita, magiting sa ating pagmamahal, magiting sa ating pagkilos, sana po ang Araw ng Kagitingan po ipakita natin ang kagitingan ng ating lahi at sa mga araw pong ito sa Araw ng Kagitingan sana’y magningning ang kagitingan ng pagmamahal ng Diyos sa atin, gawin ang tama, itaguyod ang katotohanan.” pahayag ni Cruz sa panayam sa Radio Veritas.
Tema ng ika-80 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan ngayong taon ang “Kagitingan ng mga Beterano, Inspirasyon ng Nagkakaisang Pilipino.”
Ang Araw ng Kagitingan o Day of Valor ay isa ring pag-alala sa tinaguriang Bataan Death March kung saan sapilitang pinalakad ng mga Hapon ang mga Filipino at Amerikanong sundalo na tinaguriang mga ‘prisoners of war’ mula Bataan hanggang San Fernando, Pampanga.
Mula sa mahigit 75-libong Filipino at Amerikanong sundalo na sumuko sa mga Hapon ay nasa 5 hanggang 10-libo ang nasawi dahil sa naranasang kalupitan bukod pa sa gutom at sakit.