514 total views
Inihayag ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na bahagi ng misyon bilang kristiyano ang pakikilahok sa halalan.
Ito ang mensahe ng cardinal sa katatapos na 2022 national and local elections kung saan kapansin-pansin ang maraming nakiisa at bumoto sa eleksyon.
Ipinaliwanag ni Cardinal Advincula na kaakibat ng pagiging mabuting kristiyano ang pakikiisa sa mga gawain ng lipunan tulad ng paghalal ng mga lider ng bayan.
“Ang pakikilahok sa eleksyon ay kasama sa ating misyon bilang Simbahan. Tayo ay nagiging mabuting Kristiyano sa ating pagiging mabuting mamamayan,” bahagi ng pahayag ni Cardinal Advincula.
Batid ng cardinal ang pakikilahok ng mga Pilipino sa halalan na tiniis ang mga aberya noong eleksyon kabilang na ang mahabang pila at maging ang mga depektibong Vote Counting Machines na nagpaantala sa proseso ng halalan.
Kinilala rin ng arsobispo ang aktibong pakikilahok ng mga kabataan lalo na ang first time voter’s kung saan hamon nitong patuloy manindigan para sa kinabukasan ng bansa at kapakinabangan ng mga susunod na henerasyon.
“Sa ating mga kabataan, lalo na ang mga bumoto sa unang pagkakataon, maraming salamat sa nakakahawa ninyong pagmamahal sa ating bayan. Huwag kayong hihinto na mangarap, tumaya at magbigay ng sarili para sa ating Inang Bayan,” ani ng cardinal.
Muling ipinaalala ni Cardinal Advincula sa mamamayan lalo na sa kabataan ang mensahe ni Pope Francis na bukod sa pagiging kinabukasan ng lipunan, ang mga kabataan din ang kasalukuyan ng simbahan at pamayanan.
Pinasalamatan ng arsobispo ang mga naglingkod sa halalan tuald ng mga kawani ng Commission on Elections, security forces ng bansa na nagbantay para manatili ang kaayusan at kapayapaan, ang mga guro na nagsilbing electoral board at higit sa lahat ang mga volunteer’s ng church-based poll watch dog na Parish Pastoral Council for Responsile Voting na nagsagawa ng parallel count.
Samantala umapela si Cardinal Advincula sa mamamayan ng kahinahunan at iginiit na mas mabuting pairalin sa pamayanan ang pagtutulungan sa ikauunlad ng bansa.
“Sa panahong ito makabubuti sa lahat na manatiling mahinahon ang bawat isa at magtiwala sa proseso ng demokrasya, patuloy nating mahalin, pagmalasakitan at ipanalangin ang ating bayang Pilipnas,” ayon pa kay Cardinal Advincula.
Bilang pastol ng simbahan tiniyak ni Cardinal Advincula ang pakikiisa sa mamamayan sa pagtataguyod ng kabutihan sa lipunan ang mananatiling pastol sa kawang ipinagkatiwala sa kanyang pangangalaga.
Nauna na ring nanawagan ang ilang mga pastol na kasapi ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mga Pilipino na igalang ang magiging resulta ng halalan at isulong ang pakikipagkasundo sa bawat mamamayan.
Batid ng simbahan ang pagkakahati-hati ng mga Pilipino dahil sa pagkakaiba ng sinuportahang kandidato subalit iginiit ng mga obispo na makakamit ng bansa ang pag-unlad kung magtulungan ang mamamayan.
Bagamat nagpapatuloy ng kongreso at Commission on Elections sa canvassing ng mga balota nangunguna sa partial/unofficial count ng COMELEC at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) si Presidential-runner Ferdinand Marcos Jr. at Vice Presidential candidate – Davao City Mayor Sara Duterte.
Nanatili namang mataas sa 98-percent ang match rate ng PCPRV habang may naitalang 1.61-percent na mismatches na ayon sa paliwanag ng COMELEC ay dulot lamang ng human error.