172 total views
Ang pagiging malinis at maingat hindi lamang sa pangangatawan at kalusugan kundi sa pangkabuuang pagkatao ang isa mga aral na dulot ng COVID-19 pandemic sa pamumuhay ng bawat isa.
Ito ang bahagi ng pagninilay ni Legazpi Bishop Joel Baylon, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care sa patuloy na pagharap ng bawat isa na krisis na dulot ng pandemya.
Ayon sa Obispo, tulad ng virus na nagdudulot ng panganib sa kalusugan at pangangatawan ay hindi rin dapat hayaan ng sinuman ang anumang moral at pang-espiritwal na dumi sa buhay na maaring magdulot ng panganib at pagkasira ng ating pagkatao.
“Palagay ko isa rin ito sa mga itinuturo nitong karanasan natin sa pandemya na ang virus nga ay dumi and the more we allow dirt sa buhay natin whether it is physical or even moral and spiritual dirt, these are the many forms of viruses na pwedeng pumasok sa buhay natin kaya sana manatili din tayong may sense ng hygiene, ng kalinisan sa ating pagkatao,” pagninilay ni Bishop Baylon.
Paliwanag ng Obispo, bagamat bumababa na ang kaso ng COVID-19 sa bansa ay hindi pa rin dapat maging kampante ang mamamayan sa halip ay dapat na patuloy na mag-ingat at pangalagaan ang kalusugan at maging malinis sa kasalanan.
Tiniyak ni Bishop Baylon na ang Panginoon ay tuwinang kasama ng bawat isa sa patuloy na paglalakbay sa buhay na nagsisilbing gabay sa maayos at malinis na paraan ng pamumuhay.
“I think that’s the more positive way of looking at this developments na ito [na pagbaba ng kaso ng COVID-19] masaya pero nandyan pa rin tulad ng kasalanan yung dumi, yung moral evils is still there but kaya natin dahil nandyan ang Panginoon kasama natin,” dagdag pa ni Bishop Baylon.
Umaasa naman si Bishop Baylon na patuloy na tumugon ang bawat mamamayan sa lahat ng mga alituntunin ng pamahalaan bilang pag-iingat sa COVID-19 gayundin ang pagpapabakuna.