318 total views
Naniniwala ang Center for People Empowerment in Governance o CENPEG na dapat magsilbing hamon para sa mamamayan ang muling pagkakaroon ng mataas na katungkulan ng isa sa mga dating Pangulo ng Bansa na may mga kaso ng katiwalian.
Ayon kay CENPEG Vice-Chairman Professor Roland Simbulan, dapat na mas maging mapagbantay ang taumbayan sa mga nagaganap sa Bansa partikular na sa paraan ng Pamamahala ng mga Opisyal sa Pamahalaan.
Sinabi ni Simbulan na naaangkop lamang na magkaisa ang taumbayan upang maipakita sa pamahalaan ang pagkakaisa laban sa mga katiwalian at hindi maayos na pamamahala sa Bansa.
“Dapat siguro lalo tayong maging mapagbantay, I mean I think it’s also a challenge at nakikita ko din naman na because of what’s happening around us lalong lumalakas yung pagkakaisa ng iba’t ibang grupo na dati hindi nagkakaintindihan, for example nung nakaraang Labor Day for the first time yung lahat ng Labor Groups nagsama-sama sa kanilang Mass Action tapos itong nakaraang SONA, nagkaroon ng United Peoples SONA. ” bahagi ni Simbulan sa Radio Veritas.
Noong ika-23 ng Hulyo sa ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Opisyal na manumpa bilang bagong Speaker of the House ang dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo.
Ayon sa tala umabot sa 184 Kongresista ang bumuto upang mapalitan si Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez bilang Speaker of the House habang 12 naman ang nag-abstain.
Dahil dito, si Arroyo ang magsisilbing kauna-unahang babaeng Speaker ng House of the Representatives na ika-apat sa pinakamataas na Posisyon sa Pamahalaan.
Gayunpaman, naunang lumabas sa datos ng Commission on Audit na tinatayang umabot sa P101.82-bilyong piso ang nawala sa kaban ng bayan dahil sa katiwalian sa ilalim ng Administrasyong Arroyo.
Binigyang diin naman ng Kanyang Kabanalan Francisco na ang Pulitika ay isa sa pinakamataas na paraan ng pagmamalasakit sa kapwa dahil sa isa itong magandang paraan upang maisulong ang ‘Common Good’ o ang mas makabubuti para sa lahat.