547 total views
Nanawagan ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa g mga Katoliko’t Kristiyano sa buong daigdig na maging mapagbantay laban sa anumang uri ng paglabag sa kalayaan sa pananampalataya o Freedom of Religion.
Ito ang apela ni Sangguniang Laiko ng Pilipinas President Raymond Daniel Cruz, Jr. kaugnay sa kontrobersyal na pag-aresto ng Chinese Communist Party (CCP) sa 90-taong gulang na Bishop Emeritus ng Diocese of Hong Kong na si Cardinal Joseph Zen.
Sa pamamagitan ng isang opisyal na pahayag na may titulong ‘INJUSTICE ANYWHERE IS A THREAT TO JUSTICE EVERYWHERE’, binigyang-diin ni Cruz na hindi katanggap-tanggap ang sinapit ng Cardinal na bagamat nakalaya matapos makapagpiyansa ay nahaharap pa rin sa kaso na may parusang habambuhay na pagkabilanggo.
Ayon kay Cruz, isa itong tahasang paniniil sa kalayaan sa pananampalataya o freedom of religion.
“The Council of the Laity of the Philippines deplores the actions made by the Chinese Communist Party (CCP) for arresting the 90-year old Bishop Emeritus of the Diocese of Hong Kong, His Eminence Cardinal Joseph Zen. Although the Cardinal is now released on bail, the charges made against him carry a penalty of lifetime imprisonment. These actuations are manifestations of CCP’s tightening grip against any dissent and its efforts to quash the freedom of Catholics and Christians in China and Hong Kong,” pahayag ni Cruz.
Ipinaalala ni Cruz na dapat na maging maingat at mapagbantay ang lahat laban sa anumang uri ng kawalang katarungan at mga paglabag sa kalayaan ng mamamayan kabilang na ang kalayaan sa pagpapahayag ng pananampalataya.
Ipinaliwanag ni Cruz na anumang kawalang katarungan sa isang indibidwal ay maituturing na isang banta sa katarungang pangkalahatan.
Nanawagan naman si Cruz sa International Community sa pamamagitan ng International Federation of Catholic Action upang magkaroon ng paninindigan sa anumang uri ng pang-aabuso na nagaganap laban sa bawat mamamayan.
“We encourage the faithful in the Philippines as well as all Christians in the world to be more vigilant against injustices and violations of the freedom of Religion. Injustice anywhere is a threat to justice everywhere. We also encourage the International Community through the International Federation of Catholic Action to make pronouncements and statements and ask their governments to do the same,” dagdag pa ni Cruz.
Si Cardinal Zen ay kilala sa hayagang pagtutol sa patuloy na paniniil sa mamamayan ng Hongkong sa ilalim ng pamamahala ng Chinese Communist Party (CCP).
Samantala, naniniwala naman ang mga Katoliko sa Hongkong na ang pag-aresto at pagkakakulong kay Cardinal Zen ay bahagi nang patuloy na pananakot ng Chinese Communist Party (CCP) sa publiko.
Ayon sa ulat ng Open Doors – isang organisasyong 60-taon ng nagbabantay ng mga kaso ng Religious Persecution sa iba’t ibang bansa, ay tinatayang 1 sa bawat 12 mga Kristyano sa buong mundo ang biktima ng karahasan kaugnay ng kanilang pananampalataya o relihiyon.