202 total views
Tularan ang pagiging tapat at masunurin ng Mahal na Birheng Maria.
Ito ang paanyaya ni Diocese of Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit, Jr. sa mga mananampalataya kaugnay s pagdiriwang ng Dakilang kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit ng Mahal na Birheng Maria.
Ayon sa Obispo, kung nais ng mananampalataya na pagpalain din ng Panginoon tulad ng pagpapala nito sa Mahal na Birhen ay mahalagang tularan ang pagiging masunurin nito sa Diyos.
Ipinaliwanag ni Bishop Maralit na maraming paraan upang magpakita ng pagsunod sa Diyos at ito ay sa pagtalima sa iba’t-ibang pagtawag ng Panginoon sa bokasyon ng isang tao.
“Meron tayong tinatawag na bokasyon, universal meron ding specific, pinili na tayo ng Diyos huwag na nating alisin sa sarili natin. Tayong may kakayahang tumugon sa pagtawag ng DIyos katulad ng ating Mahal na Ina at kung yung ating pagtugon ay matamis na ‘oo’ kagaya kay mama Mary, pinagpala tayo,” pahayag ni Bishop Maralit sa kanyang video na Thought of the Day.
Dagdag pa ng Obispo, sa pagsang-ayon sa Diyos ay kinakailangang maging tapat sa sinumpaan ng pagtalima.
Aniya, dapat na panindigan at manatili ang tao sa pagtawag ng Panginoon sa kabila ng mga kamalian at kasalanan na nagagawa.
“Kung ating paninindigan, mananatili tayong tapat sa pagtawag at sa ating pag oo sa kanya, na ang ating buhay sa gitna ng ating mga kamalian, kasalanan ay pagsusumikapan nating maging tapat. Binibigyan tayo lagi ng Diyos ng pagkakataon na maging tapat sa kanya ulit, dahil dito ‘pag tayo’y magiging tapat magiging pinagpala tayo sa Diyos,” dagdag pa ni Bishop Maralit.