473 total views
Isaisip ang pagmamahal sa bayan sa pagpili at pagboto ng mga kandidato na ang paglilingkod sa bayan ang tunay na layunin sa pagtakbo para sa nakatakdang halalan.
Ito ang binigyang diin ni w – Convenor ng Movement Against Tyranny at election watchdog na Kontra Daya kaugnay sa pagsasapubliko ng ilang mga partido sa listahan ng mga kakandidato para sa 2022 National and Local Elections.
Ayon sa madre, nawa ay maging matalino at mapanuri ang bawat botante sa pagpili ng mga kandidato na tunay na maglilingkod para sa bayan at hindi para lanmang sa pansariling kapakinabangan tulad ng pag-iwas sa anumang kaso o upang makapagkamkam ng pera ng bayan.
“Ang wish ko sa mga tao, pwede ba talaga namang gamitin natin yung utak natin at gamitin natin yung tunay na pagmamahal sa bayan na talagang iboto lang natin yung talagang mga kandidato na ang first and foremost objective nila is to serve the people and to work for the common good, hindi yung [ang dahilan ay para sa] kanilang sarili yung para hindi sila ma-accuse later on yung ganun ba or corruption or money.” pahayag ni Sr. Mananzan sa panayam sa Radio Veritas.
Giit ng madre, napapanahon ng matauhan ang bawat mamamayan na hindi na maari at hindi na kakayanin pa ng bayan ang karagdagang 6 na taon sa ilalim ng kasalukuyang mga namumuno sa bansa na nagdulot ng labis na kaguluhan, kahirapan, at kawalan ng direksyon sa lipunan.
Paliwanag ni Sr. Mananzan, dapat na hangarin at pagsumikapan ng bawat mamamayang Pilipino na makaahon at mapagtagumpayan ang mahirap na sitwasyong kinasasadlakan ng bayan sa kasalukuyan sa pamamagitan ng pagiging matalino at mapanuring botante sa nakatakdang halalan.
“I hope sana matauhan naman ang mga karamihan ng mga ano [kababayan] natin na makita man lamang na hindi na pu-pwede talaga na meron pang [karagdagang] 6 years na ganitong nangyayari sa atin, ang tingin we are so low that there should be no movement except going up hindi going lower, yun ang tingin ko sa sitwasyon natin I’m sorry it looks so pessimistic but it’s the reality.” Dagdag pa ni Sr. Mananzan.
Una ng binigyang diin ni Sr. Mananzan na maituturing na kahihiyan para sa bansa ang pagtanggap ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa nominasyon ng partidong PDP-Laban upang kumandidato para sa pagka-bise presidente sa nakatakdang halalan na bukod sa hindi pinag-isipan at hindi makatwiran ay isa ring tahasang paglabag sa Konstitusyon ng Pilipinas.
Sa Oktubre nakatakda ang paghahain ng Certificate of Candidacy ng mga tatakbo para sa nakatakdang 2022 National and Local Elections sa susunod na taon.