1,561 total views
Ipagpatuloy ang pangarap at layunin ni Saint Thérèse of the Child Jesus sa mga mananampalatayang Kristiyano sa Asya.
Ito ang hamon ni Lipa Archbishop Emeritus Ramon Arguelles sa bawat isa kaugnay sa ikalimang pagbisita ng pilgrim relics ni St. Thérèse sa Pilipinas
Ayon kay Archbishop Arguelles, pinangarap ni Sta. Teresita na maglakbay at magmisyon sa Asya upang ipalaganap ang pananampalatayang Kristiyano at higit na ipaunawa sa mga Asyano ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan.
“Alam n’yo, si St. Therese kung humaba ang buhay n’ya ay gusto n’ya maging missionary dito sa Asia sapagkat kita n’ya na kailangan ng Asia ang faith. So, we have to continue to fulfill her dreams. We are missionaries of St. Thérèse for the Asian people, especially. Sabi nga ni Pope Francis, ‘maybe not only in Asia but throughout the world’,” pahayag ni Archbishop Arguelles sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ng Arsobispo na karamihan sa mga tao ngayo’y nawawalan na ng pananampalataya at hindi naniniwala sa presensya at kakayahan ng Diyos.
Iginiit ni Archbishop Arguelles na ito ang nakita noon ni Sta. Teresita kaya naman nais nitong ibahagi sa bawat isa ang kanyang buhay na inialay ang puso at kalooban upang tuparin ang pangako ng Panginoon.
“St. Thérèse wants us to live ‘yung talagang kanyang little childhood—the way of love and confidence. Nagtitiwala tayo sa Diyos at alam nating mahal tayo ng Diyos. Many people do not know that kaya nga maraming taong hindi nila alam that God is real, at siya’y talagang responsible sa ating buhay,” ayon kay Archbishop Arguelles.
Dumating ang pilgrim relics ni St. Thérèse sa Shrine of St. Thérèse sa Newport City Complex, Pasay City noong January 2, 2023, at maglalakbay sa 53 arkidiyosesis at diyosesis mula Luzon, Visayas, at Mindanao hanggang April 30, 2023.
Tema ng 5th Visit of the Relics of St. Therese to the Philippines ang ‘Lakbay Tayo, St. Thérèse! Kaalagad, Kaibigan, Ka-Misyon’.
Unang dumalaw sa bansa ang relikya ni St. Thérèse taong 2000 at nasundan noong 2008, 2013, at 2018.