371 total views
Ang lahat ng binyagang Katoliko ay mayroong misyon na ipalaganap ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Ayon kay Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, ito ang ipinapaalala at mensahe ng paggunita ng Pandaigdigang Linggo para sa Misyon o World Mission Sunday ngayong taon.
Ayon kay Bishop Pabillo, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity, bukod sa mga Pari, Madre at mga relihiyoso ay malaki ang papel na ginagampanan ng mga misyunero na buong pusong iniaalay ang buhay bilang mga katuwang ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos.
Ipinaliwanag ng Obispo na ang mga misyunero ay hindi lamang mga naordinahan sa Simbahan sapagkat ang bawat binyagan ay inatasan ng Panginoon na maging tagapagpalaganap ng ebanghelyo lalo na sa mga hindi pa nakikilala ang Panginoon.
“Ngayong araw po ay World Mission Sunday pinapaalaala po sa atin ngayong Pandaigdigang Linggo para sa Misyon na tayo pong lahat na binyagan ay inatasan ng Panginoon na ipalaganap ang Mabuting Balita lalong lalo na sa mga hindi pa nakakakilala nito, kaya ngayon po ay ipagdasal natin ang ating mga misyunero na nagtalaga ng buhay nila para sa pagmimisyon at marami tayong mga misyunero ngayon na pumunta sa ibang mga bansa hindi lang mga Pari, mga Madre kasama rin yung mga pamilya at mga kabataan…”paanyaya ni Bishop Pabillo sa mananampalataya.
Pagbabahagi ng Obispo, nasasaad sa tema ng World Mission Sunday ngayong taon na “Here am I, Lord, Send me” ang pagtugon sa ini-atas na misyon sa lahat na maging misyunero at tagapagpahayag ng Mabuting Salita ng Diyos.
Bukod sa pagtugon sa nasabing misyon ng Panginoon sa bawat binyagan ay hinikayat rin ni Bishop Pabillo ang lahat na ipanalangin at tulungan ang mga misyunero sa kanilang misyon na ganap na maipalapit ang lahat sa Panginoon.
“Ang paksa po ng ating World Mission Sunday is “Here I Am Lord, Send Me”, ibig sabihin inaangkin natin ang pagmimisyon nasaan man tayo kaya ipagdasal po natin ang mga misyunero at kung ano ang maiaambag natin kahit na sa ganitong panahon na materyal na tulong para sa kanila ay ibigay po natin” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Tuwing Oktubre ipinagdiriwang ang World Mission Month upang alalahanin na ang bawat binyagan ay missionary disciple na inaasahang makakatuwang ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Salita ng Diyos.
Ito rin ay isang pagkakataon upang muling balikan ang tungkulin ng bawat isa na mapalalim ang kamalayan ng kapwa at matatag na pananampalataya sa Panginoon.
Isa rin itong patuloy na hamon para sa bawat isa na maging gabay ng mga hindi pa ganap ang pagkakaroon ng pananalig at pananampalataya sa Panginoon.