464 total views
Lawakan pa ang atensyon sa mga nagaganap hindi lamang sa bansa kundi sa buong daigdig.
Ito ang panawagan sa bawat Filipino ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa patuloy na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sa banal na misa para sa Consecration of Russia and Ukraine to the Immaculate Heart of Mary kasabay ng Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Mabuting Balita tungkol sa Panginoon o Solemnity of the Annunciation of our Lord, binigyang diin ng Obispo na bagamat mahalagang maging mapagbantay sa May 2022 elections ay dapat maging mulat ang kamalayan ng lahat sa iba’t-ibang panganib na kinahaharap ng daigdig.
“Alam ko nakatuon ang pansin nating lahat ngayon sa eleksyon dito sa Pilipinas pero mga kapatid lawak-lawakan naman natin ang atensyon natin dahil nanganganib, nanganganib ang daigdig.”panawagan Bishop David.
Ayon sa Obispo, naaangkop na pagkakataon ang panahon ng Kuwaresma upang higit na magdasal at ipanalangin na ipag-adya ng Panginoon ang bawat isa sa kapahamakan tulad ng COVID-19 virus at ang banta ng pandaigdigang digmaan mula sa kaguluhan nagaganap sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Tiniyak ni Bishop David na ang pananalangin ay pinaka-epektibong tugon sa oras ng kawalan ng pag-asa at kawalan ng tiyakan sa buhay.
“Siguro kaya biglang dumami ang tao noong Ash Wednesday parang biglang naging totoo sa ating lahat hindi lang dahil sa COVID-19, ngayon dahil sa giyera na ang tao puwede niyang pulbusin ang daigdig, gawing abo. Nandoon na tayo sa bingit ng bangin malapit na malapit na, andito tayo ngayon desperado kaya kailangan nating magdasal.” Dagdag pa ni Bishop David.
Nagsimula ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine noong ika-24 ng Pebrero kasunod ng tangkang pananakop ng Russia sa Ukraine kung saan tinatayang umaabot na sa 3-milyong mga Ukrainians ang napilitang umalis ng bansa dahil sa nagaganap na kaguluhan.
Patuloy na nakikiisa ang C-B-C-P sa panawagan ng Santo Papa Francisco na pananalangin para sa muling pagtatalaga sa Russia at Ukraine sa pangangalaga ng Kalinis-linisang Puso ni Maria upang makamit ang kapayapaan.