11,845 total views
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang bawat Pilipino na maging bayani para sa Pilipinas.
Ito ang mensahe ni CBCP Commission on Social Action, Justice and Peace at Caritas Philippines Vice President, San Carlos Bishop Gerardo Alminaza sa paggunita ng National Heroes Day sa August 26.
Binigyang diin ng obispo na hindi lamang sa paggawa ng mga extra-ordinary na mga bagay ang pagiging bayani kundi ang sama-samang pagkilos at pagtutulungan ng mamamayan para sa ikabubuti ng bansa.
Inihalimbawa ni Bishop Alminaza ang inilunsad na non-partisan multisectoral movement na ‘ANIM: Alyansa ng Nagkakaisang Mamamayan’ na isang bayanihan upang labanan ang mga katawalian ng pamahalaan na nagdudulot ng labis na kahirapan sa mamamayan.
“Panawagan ko talaga sa mamamayan, as we celebrate National Heroes Day sana bawat isa makita natin sa sarili natin may kapasidad tayo maging bayani pero hindi kanya-kanyang solo na bayani kundi magkadugtong-dugtong at nagkakaisang bayani at sugpuin ang political dynasty, corruption, and then yung electoral fraud,” pahayag ni Bishop Alminaza sa Radio Veritas.
Dismayado ang opisyal na tila ginawang family business ang pulitika sa Pilipinas na malaking ugat ng korapsyon at mga katiwaliang nagpapahirap sa mamamayan.
Umaasa si Bishop Alminaza na maisaayos ang sistema ng halalan sa bansa at maipakita ang tunay na diwa ng demokrasya upang maihalal ang mga karapatdapat na lider ng bansa na may hangaring tulungan ang mga Pilipinong makaahon sa kahirapan at maitaguyod ang interes ng bayan.
Nitong August 23 ay inilunsad ang ANIM o kowalisyon ng anim na malalaking sectoral groups na kinabibilangan ng ‘retired military and uniformed personnel; faith-based communities and the clergy; women’s groups; youth organizations; business and professional groups; at ang people’s organizations and civil society.’
Sa pahayag ni ANIM Chairman Lt. Gen. Edilberto Adan, AFP (Ret) isusulong ng grupo ang mga adbokasiyang paglaban sa korapsyon, political dynasty, reforms, good governance, social justice, economic development, at national security.
Kabilang sa nagbahagi ng panayam sa launching na ginanap sa Club Filipino sa San Juan City sina Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, Baguio City Mayor Benjamin Magalong, Former COMELEC Commissioner and NAMFREL Chairman Augusto Lagman, at Book Author Atty. Alex Lacson.
Lumagda rin ang mga kinatawang sektor sa manifesto ng ANIM kabilang na sina Bishop Alminaza at Bishop Bagaforo kung saan nakapaloob dito ang panawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dinggin ang hinaing ng taumbayan na sertipikahang urgent bill ang panukalang magbibigay linaw at kahulugan ng political dynasty sa Kongreso.
Apela ni Bishop Alminaza sa mananampalataya na magtulungang itaguyod ang ikabubuti ng bansa sa pamamagitan ng pakikisangkot sa mga gawaing nagsusulong sa interes ng taumbayan at lipunan.