152 total views
Pormal nang naitalaga bilang Obispo si Bishop Daniel Presto sa ginanap na ordinasyon sa St. Columban Parish sa Olongapo City.
Ayon kay Bishop Presto, ang lahat ay ipinagkakatiwala na niya sa Panginoon sa kanyang pagpapatuloy sa mga gawain ng simbahan bilang bagong pinuno ng Diocese ng San Fernando La Union.
“Trust in God above all, trust in His Mercy,” ayon sa mensahe ni Bishop Presto sinabing mapagtatagumpayan ang bawat misyon sa tulong na rin ng mga kapatid na pari at mga mananampalataya sa La Union.
Tiniyak ng bagong Obispo na sa pamamagitan ng pananalangin at pagiging instrumento ng awa ng Panginoon ang kaniyang paraan para sa pasasalamat sa lahat ng biyayang natanggap at matatanggap.
Sa pagninilay ni Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr., ipinaalala nito sa bagong obispo na ang pagiging pinuno ng simbahan ay hindi lamang titulo kundi isang mapanganib na posisyon bilang pastol na tagapagtanggol ng kaniyang nasasakupan.
“We know that in dangerous times we cannot be silent in front of evil. We must resist evil!,” ayon sa homiliya ni Bishop Bacani.
Dagdag pa ni Bishop Bacani; “Tender hearted like the Lord and yet bold also like the Lord and the Apostles.”
Si Bishop Presto ang ikalimang obispo na itinalaga ng kaniyang Kabanalan Francisco sa Diocese ng San Fernando La Union kahalili ng namayapang si Bishop Rodolfo Beltran.
“We live in dangerous times, be tender hearted and may the Lord give you the spirit of boldness and love and self control,” paalala pa ni Bishop Bacani.
Bago naging obispo, si Bishop Presto ay tatlong taong naging Apostolic administrator ng Diocese ng Iba, Zambales na nagsilbi sa diyosesis simula pa ng kaniyang ordinasyon bilang pari noong 1990 sa edad na 27.
Pinangunahan ni San Fernando Pampanga Archbishop Florentino ang ‘ordination rites’ kasama ang iba pang mga obispo at ang kinatawan ng Santo Papa Francisco na si Papal Nuncio to the Philippine Archbishop Gabriele Caccia.
Ang diocese ng San Fernando La Union ay binubuo ng higit sa 700 libong katoliko na pinangangasiwaan ng 52 mga pari sa 28 parokya ng diyosesis.