438 total views
Ang bawat binyagan ay kabahagi ni Hesus sa kanyang buhay at misyon na palaganapin ang kaharian ng Panginoon.
Ito ang binigyang diin ng bagong talagang pinunong pastol ng Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan na si Manila Auxilary Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa isa sa tungkulin ng mga Kristiyano.
Ayon sa Obispo na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, tulad ni Hesus ang bawat binyagan ay maituturing din na mga propeta na ipinadala upang magpaalam, magpakilala at magpaliwanag ng Mabuting Salita ng Diyos.
“As Christians we share in the life and the mission of Jesus. So all of us baptized share in the kingship, in the priesthood and in the prophetic ministry of Jesus.” pahayag ni Bishop Broderick Pabillo.
Paliwanag ng Obispo, ang bawat isa ay maaaring magsilbing propeta mula sa kanilang kinabibilangan na mga grupo, pamilya, samahan sa pagkakaibigan, sa trabaho o maging sa komunidad.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo, hindi dapat ikahiya o magdalawang isip ang sinuman na magsalita ng totoo, o ibahagi ang Diyos upang mapalakas ng loob ng mga nalulumbay at maituwid ang mga nagkakamali sa buhay.
“Magsalita kayo ng totoo, huwag kayong mahiya o matakot na magsalita tungkol sa Diyos, palakasin ninyo ang loob ng mga nalulumbay at natatakot at ituwid naman ang nagkakamali. Iyan ang paraan ng inyong pagiging propeta. Let us talk about God again in our families and in our small circles.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Partikular namang tinukoy ni Bishop Pabillo ang paggamit ng social media at internet bilang makabagong paraan ng pagiging propeta sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga Salita ng Diyos gayundin ang paninindigan sa katarungan at kabutihan kaugnay sa mga maling nagaganap sa lipunan at pulitika sa bansa.
Ayon kay Bishop Pabillo, “Ngayon isa pang venue ng pagiging propeta ay ang pagpost sa internet ng mga bagay na totoo, mga bagay tungkol sa katarungan at kabutihan. Magpost ng Salita ng Diyos. Manindigan para sa pananampalataya. Pati na ang politika ay usisain at suriin natin sa liwanag ng pananampalataya. Kaya huwag mahiya o matakot na magpost ng paninindigan na nakabase sa katotohanan at sa katuwiran kahit na sa larangan ng politika. Iyan ay iyong karapatan at ang politika din ay dapat liwanagan ng katotohanan.”
Binigyang diin naman ng Obispo na bagamat hindi madali na maging propeta sa kasalukuyang panahon kung saan nakaabang ang banta ng panghuhusga at maging kapahamakan.
“Hindi madali na maging propeta ngayong panahon natin na nandiyan nakaabang ang mga trolls na bina bash ang mga independent minded. Gustong takutin tayo at patahimikin. At iyan nga ang hindi magagawa sa propeta – na siya ay manahimik. Kahit na walang nakikinig, kahit na pinuputakti tayo ng mga bashers – we shall continue to speak in God’s name. God sends his prophets among his people. God’s voice cannot be silenced.” Paaala ni Bishop Pabillo.