106,645 total views
Mga Kapanalig, alam ba ninyong kung pagsasama-samahin ang kaning naaaksaya natin sa buong taon, aabot ito sa 384,000 metriko tonelada? Nagkakahalaga ito ng pitong milyong piso at sasapat para sa 2.5 milyong Pilipino sa isang taon!
Ganito karami ang naaaksayang kanin sa ating bansa, ayon sa Philippine Rice Research Institute (o PhilRice). Kaya ngayong National Rice Awareness Month, nananawagan ang PhilRice sa publiko na maging “RICEponsible”. Kaakibat nito ang pagmumungkahi ng patakarang magtatakda sa mga food establishments na gawing half cup ang ihahain sa kanilang mga customers sa halip na ang nakasanayang one cup, bagay na nangyayari na sa ilang lungsod na may ganitong ordinansa. Makatutulong daw ito sa pagbawas ng kaning nasasayang at napupunta lamang sa basurahan.
Kung hindi nasasayang ang ganitong karaming kanin at kung napupunta ito sa mga kababayan nating kapos sa buhay at hindi nakakakain nang maayos at sapat sa isang araw, tiyak na mababawasan ang kagutuman sa ating bansa.
Sa Global Hunger Index, pang-66 ang Pilipinas sa 125 na mga bansa kung ang pag-uusapan ay ang iba’t ibang indikasyon ng kagutuman; ang mga ito ay undernourishment, child stunting o pagkabansot, child wasting, at child mortality. Moderate ang level of hunger sa Pilipinas, ngunit isa tayo sa may pinakamataas na antas ng kagutuman sa Timog Silangang Asya.
Ganito rin ang lumabas sa monitoring ng Food and Agriculture Organization ng United Nations. Sa report nitong pinamagatang State of Food Security and Nutrition in the World, tinatayang 50.9 milyong Pilipino ang walang tuluy-tuloy na access sa sapat na pagkain mula 2020 hanggang 2022. Tayo ang may pinakamaraming food-insecure na mamamayan sa mga bansa sa Timog Silangang Asya—halos kalahati ng ating populasyon. Halos anim na milyong Pilipino naman ang undernourished o kulang sa nutrisyon noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Samantala, ang survey ng Social Weather Stations (o SWS) noong Hunyo at Hulyo ay nagsabing nasa 34% ng mga pamilyang Pilipino ang itinuturing ang kanilang sarili bilang food poor o mahirap batay sa uri ng kinakain nila. Kasagsagan naman ito ng mataas na presyo ng mga pagkain, lalo na ang bigas.
Ilan lamang ang mga datos na ito hindi lamang upang udyukan ang mga kainán na iwasang mag-aksaya ng kanin. Tayo ring mga kumokonsumo ng tinaguriang staple food ng mga Pilipino ay dapat na maging “RICEponsible”. Sa mga nakapagsasaing at nakakapaghain ng kanin mula umaga hanggang gabi, tiyakin nating walang nasasayang. Kapag umo-order tayo ng pagkaing may kanin, siguraduhin nating mauubos natin ito—o kaya naman ay mag-order lamang ng half cup. Mabagabag sana tayo kapag may nasasayang na pagkain, lalo na kung kanin.
Hindi man natin direktang matutugunan ang kagutuman sa ating bansa, ang pagiging responsable sa ating pagkain ay makababawas sa ating paggastos na maaari nating magamit sa pagtulong sa iba. Lalabanan din nito ang tinatawag na sense of entitlement dahil lagi tayong napapaalalahanang kilingan at abutin ang mga dukha—isang mahalagang prinsipyo ng mga panlipunang turo ng Simbahan.
Lagi rin natin pakaisipin kung paano nakaaapekto ang ating pagkonsumo sa pagkamit ng ating kapwa ng kanilang mga karapatan, kabilang ang karapatan sa pagkain. Kapag tayo ay nag-aaksaya ng pagkain, lalo na ng kanin, pinagkakaitan din natin ng makakain ang ating kapwang walang maihain sa kanilang mesa. Para na rin itong isang kasalanan. Inaalisan tayo ng pag-aaksaya ng pagkain ng pagkakataong ibahagi sa ating kapwa ang biyaya ng pagkain.
Mga Kapanalig, sa pagpapakain ni Hesus sa limanlibo, tiniyak niyang lahat ay makakakain at mabubusog. Sa Juan 6:12, sinabi Niya sa Kanyang mga alagad, “ipunin ninyo ang lumabis nang ‘di masayang.” Paalala rin ito sa ating lahat, lalo na ngayong papalapit na ang Kapaskuhan.
Sumainyo ang katotohanan.