13,388 total views
Hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga mananampalataya na maging kasangkapan sa pagpapayabong ng pag-asa alang-alang sa nag-iisang tahanan.
Ayon kay CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, mahalagang pagyamin ng bawat isa ang pagnanais na pangalagaan ang naghihingalong daigdig laban sa patuloy na epekto ng climate crisis.
Ang paanyaya ni Bishop David ay kaugnay sa pagdiriwang sa Laudato Si’ Week mula May 19-26, 2024 na may temang “Seeds of Hope” na hango mula sa simbolo para sa Season of Creation 2024 na “Firstfruits of Hope”.
“Let us together meditate on this powerful theme, as we confront the effects of the climate crisis currently affecting the whole world,” ayon kay Bishop David.
Ibinahagi ng obispo ang kanyang karanasan sa katatapos lamang na Marian Pilgrimage sa Europa kung saan kanyang nasaksihan ang epekto ng nagbabagong klima.
Sinabi ni Bishop David na dapat ay nararanasan na sa ilang bahagi ng Europa ang ‘spring season’ o tagsibol, ngunit ngayo’y mababa at labis ang lamig ng temperatura na nakakaapekto sa dapat sana’y panahon ng pag-usbong at pamumulaklak ng mga puno’t halaman.
Nabanggit din ng obispo ang naranasang malawakang pagbaha sa Dubai dahil sa labis na pag-uulan, gayundin ang epekto ng El Niño phenomenon sa Pilipinas na labis nang nakakaapekto sa kalusugan at kabuhayan ng tao, hayop, at kalikasan.
Panawagan naman ng pinuno ng kalipunan ng mga obispo sa Pilipinas ang pagtutulungan at pakikibahagi ng lahat sa layunin ng pagdiriwang ng Laudato Si’ Week para sa nag-iisang tahanan.
“I therefore call on all our partner organization, dioceses, parishes, and communities to join us in nurturing the seeds of hope for our suffering planet. Let us be seeds of hope in our lives, in our world rooted in faith and love. Let us unite ourselves in caring for our common home,” panawagan ni Bishop David.
Ang Laudato Si’ Week 2024 ay ang ikasiyam na taong paggunita mula nang mailathala ng Kanyang Kabanalan Francisco ang ensiklikal na Laudato Si’ para sa pangangalaga sa nag-iisang tahanan.
Layunin ng pagdiriwang na pagtuunan at higit na maipaunawa sa mananampalataya ang apostolic exhortation ni Pope Francis na Laudate Deum, na sumusuporta sa Laudato Si’, upang maging inspirasyon para sa personal at kultural na pagbabago sa gitna ng nararanasang krisis sa kalikasan at klima.
Sa inilabas na Celebration Guide para sa Laudato Si’ Week, iminumungkahi ang pang-araw-araw na gawain tulad ng Ecological Conversion Sunday; Sustainable Transportation Monday; Sustainable Food Tuesday; Renewable Energy Wednesday; Waste Reduction Thursday; Water Conservation Friday; Catechesis and Integral Ecology Saturday; at Reflection and Commitment Sunday.