426 total views
Ito ang paalala ng Caritas Philippines sa mga kandidato para sa lokal na posisyon sa buong bansa para sa pagsisimula ng campaign period sa lokal na pamahalaan.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, National Director ng Caritas Philippines, mahalaga ang pagiging tapat at pagbibigay halaga ng mga kandidato sa Omnibus Election Code upang maging maayos at marangal ang halalan sa ika-9 ng Mayo 2022.
Ipinaliwanag ng Obispo na dapat manguna at maging mabuting halimbawa ang mga kandidato lalo’t mas malapit ang mga lokal na opisyal sa komunidad at taumbayan.
“If we want to improve the conduct of our elections, our candidates need to do the necessary, and that’s ensuring they first respect and abide by the election laws,” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Tinukoy ng Obispo na ipinagbabawal sa batas ang vote buying and selling; pagtatanggal o paninira ng election materials ng kapwa kandidato; paglalagay sa mga election material sa hindi otorisadong lugar; pagkakaloob ng pagkain at transportasyon sa mga campaign sorties; at ang pangangampanya sa Mahal na Araw at pagkatapos ng campaign period.
Pinaalalahanan din ni Bishop Bagaforo ang mga kandidato sa lokal na posisyon na maging marangal sa pangangampanya at iwasan ang karahasan.
“As a virtue, kindness can bring more meaning to victory, than hitting each other below the belt,” pagbabahagi ng Obispo.
Binigyang-diin din ng Obispo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinaw na mga programa at plataporma kung saan umaasa si Bishop Bagaforo na kabilang dito ang pangangalaga ng kapaligiran.
“Be mindful of plastic wastes, campaign with clear platforms and programs, observe decency, de quorum, and COMELEC rules, and respect one another by avoiding violence,” dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Ibinahagi ni Bishop Bagaforo na puspusan pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan ng Caritas Philippines sa iba’t-ibang mga grupo at institusyon kabilang na ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), Halalang Marangal 2022, Power of Purple, I Vote God at 85 Diocesan Social Action Centers sa buong bansa upang matiyak ang pagkakaroon ng maayos, matapat, makabuluhan at marangal na halalan sa bansa.
Batay sa tala ng Commission on Elections (COMELEC) aabot sa mahigit 18,000 ang mga posisyon sa lokal na pamahalaan na kinakailangan punan sa nakatakdang National and Local Elections sa May 9, 2022 na kinabibilangan ng mga legislative district representatives; governors at vice governors; provincial board members; mayors at vice mayors; councilor; Bangamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao party representatives; BARMM parliamentary district representatives; at BARMM reserved seats and sectoral representatives.