238 total views
Mga Kapanalig, hindi pa man opisyal na idinedeklara ng PAGASA ang pagsisimula ng panahon ng tagtuyot o dry season, nakapapaso na ang init ng panahon, lalo na rito sa Metro Manila. Sumasabay pa rito ang umiiral na El Niño o ang weather pattern kung saan mas mababa sa normal ang pag-ulang mararanasan natin dahil na rin sa mas mainit na temperatura ng Karagatang Pasipiko. Setyembre pa lamang noong nakaraang taon nang magsimula nang makaranas ng tagtuyot ang maraming probinsya sa Luzon at Mindanao, at inaasahan ang ganitong kalagayan sa iba pang lugar sa bansa ngayong taon.
Dahil ang suplay ng tubig ang pangunahing naaapektuhan ng mainit na panahon at kakulangan ng ulan, lagi tayong pinaaalalahanan ng mga kinauukulang paghandaan ang kakulangan o kawalan ng tubig. Nitong nakaraang linggo, inabisuhan na ng mga water concessionaires ang kanilang mga customers sa Metro Manila tungkol sa mga oras na magiging mahina ang daloy ng tubig sa kanilang mga gripo, bunsod na rin ng patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa La Mesa Dam. Sa mga susunod na araw, ayon sa mga tagapangasiwa ng dam, maaaring umabot na sa critical level ang tubig doon, na pinapabilis ng mataas na demand o paggamit ng tubig ngayong umiinit na ang panahon. Kailangan daw nating maging “water wais”—ang maging matipid sa paggamit ng tubig at mag-ipon kapag may tubig. Ngunit mas matindi ang nararanasan sa mga probinsya, lalo na sa North Cotabato kung saan isinailalim na sa state of calamity ang isang munisipyo dahil sa kawalan ng tubig para sa irigasyon ng mga sakahan.
Ang tubig ay buhay, ngunit sa pagdaan ng panahon, isa ito sa mga yaman ng mundong ito na nanganganib magkulang o maubos dahil na rin sa kapabayaan nating mga tao. Laging nariyan ang panahon ng tagtuyot dahil na rin sa lokasyon ng Pilipinas sa daigdig, at dahil dito, dapat lamang na asahan nating may mga panahong magkukulang tayo sa tubig. Ngunit mahalaga ring makita kung paano nga ba natin pinagbabahaginan ang tubig lalo na sa mga panahong nahaharap tayo sa kakulangan ng supply.
May mga nabibigyan ba ng mas malaking alokasyon habang pinagkakaitan ng tubig ang iba? Maaaring hindi mismong water concessionaires ang gumagawa nito ngunit tingnan na lamang natin ang ating paligid. Hindi ba kayo nababagabag na kaliwa’t kanan ang mga resorts na tuluy-tuloy ang tubig sa kanilang mga swimming pools samantalang sa mga mahihirap na komunidad, pila-pila ang mga tao sa mga trak na nagrarasyon ng tubig? Hindi ba’t parang may mali kapag nakikita natin ang maya’t mayang pagdidilig sa mga golf courses, samantalang tigang na tigang na ang mga taniman sa mga probinsya dahil walang tubig para sa irigasyon doon?
Sabi nga ni Pope Francis sa Laudato Si’, lubhang matindi na ang pag-abuso natin sa yaman ng ating planeta, kabilang ang pagsasayang ng tubig. Mahalagang isyu para sa ating Simbahan hindi lamang ang kakulangan sa tubig kundi pati ang hindi makatarungang paggamit at pamamahagi nito—ang pagkakait ng tubig sa mga mahihirap at mahahalagang sektor gaya ng agrikultura, habang inaaksaya ito sa mga gawaing hindi naman kapakipakinabang para sa marami. Sabi pa ng Santo Papa, karapatang pantao ang pagkakaroon ng malinis na tubig, at kung wala nito, hindi makakamit ng tao ang iba pa niyang karapatan at hindi niya magagampanan ang kanyang tungkulin sa lipunan.
Kaya mga Kapanalig, maging responsable tayo sa paggamit ng tubig: maging “water wais”. Kasabay nito, maging mapagbantay din sana ang ating pamahalaan sa mga negosyong nag-aaksaya ng tubig at maging mabilis din sa pagtugon sa pangangailangan sa tubig ng mga kababayan nating nakasalalay ang kabuhayan sa pagsasaka.
Sumainyo ang katotohanan.