244 total views
Mga Kapanalig, inaprubahan noong ika-14 ng Mayo ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang dagdag na ₱33 na sahod kada araw para sa mga manggagawa sa Metro Manila na kumikita ng minimum wage. Tataas sa ₱570 ang daily minimum wage na mapako sa halagang ₱537 sa nakaraang apat na taon o mula pa noong 2018. Sa Western Visayas, itinaas din ang minimum na sahod sa ₱450 mula sa ₱395 na itinakda noong 2019 pa. Ang mga establisyamentong may sampung empleyado ay dapat ding magpasahod ng daily minimum wage na ₱420 mula sa ₱310, samantalang ang mga manggagawa sa sektor ng agrikultura sa rehiyon ay dapat sumahod ng ₱410 mula sa ₱315. Samantala, ang mga kasambahay ay dapat nang tumanggap ng ₱4,500 kada buwan mula sa dating ₱4,000. Ayon sa Department of Labor and Employment (o DOLE), ang taas-sahod ay tugon sa nagtataasang presyo ng mga bilihin at produktong petrolyo nitong mga nakaraang buwan.
Katulad ng inaasahan, hindi ikinatuwa kapwa ng mga grupong manggagawa at mga negosyante ang taas-sahod na ito.
Idinadaing ng mga manggagawa ang gapatak na umento sa minimum wage. Para kay Elmer Labog, chairman ng Kilusang Mayo Uno, napakababa at hindi sasapat ang itinaas sa sahod ng mga minimum wage earners sa harap ng napakataas na presyo ng mga pangunahing bilihin. Para sa noo’y presidential candidate na si Ka Leody de Guzman, mistulang baryang sukli lamang ang ibinigay ng mga regional wage boards. Itinutulak ng mga lider-mangagagawang ito ang national minimum wage na ₱750. Ngunit kung tutuusin, sabi nga ni Ka Leody, mababa pa rin ang ₱750 sa araw-araw na gastos ng isang pamilyang may limang miyembro.
Ang mga employers naman, itinuturing na super typhoon ang dagdag-sahod. Inihihirit nilang ipagpaliban ang pagtaas ng sahod dahil hindi pa raw sila nakakaahon sa krisis na dala ng pandemya. Pinalalâ pa ang kanilang sitwasyon ng mga nagdaang bagyo at pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Nakalulungkot na tuwing pinag-uusapan ang sahod at benepisyo para sa mga manggagawa, laging lamang natatapos ang usapan sa salungatan o nagreresulta sa deadlock. Maunawaan sana nating lahat na hindi lamang ang mga employers ang may kontribusyon o nangangapital sa negosyo. Ang mga manggagawa ay namumuhunan din sa pamamagitan ng kanilang paggawang nag-aambag sa ikauunlad hindi lamang ng kanilang sarili at pamilya kundi pati ng ating bayan. At upang magampanan ng manggagawa nang maayos ang kanyang trabaho, dapat na sapat at makatarungan ang kabayaran sa kanyang paggawa. Binibigyan-diin sa katesismo ng Santa Iglesia na ang sapat na sahod ay ang lehitimong bunga ng paggawa. Ang ipagkait ito sa mga manggagawa ay napakatinding kawalan ng katarungan.
Makahanap sana ang ating mga mangagagawa at mga employers ng puwang upang unawain ang isa’t isa at hanapin ang mga bagay na maaari nilang pagtulungan. Kinikilala natin ang kalagayan ng mga negosyo lalo na’t hindi pa rin natatapos ang pandemya, ngunit bilang mas nakakaangat sa buhay, hindi kaya mas may kakayanan ang mga may-ari ng negosyo na balansehin ang kanilang layuning kumita at ang kanilang tungkulin sa kanilang mga manggagawa? May kasabihan ngang “to whom much is given, much is expected.” Maaari kayang higit na magsakripisyo ang mga nagpapatrabaho kaysa sa mga nagtatrabaho upang sa kalaunan, pareho at sabay silang umangat?
Mga Kapanalig, magkaiba ang kontribusyon at talento ng mga nag-eempleyo at ng mga trabahador, subalit maaaring punan ang kakulangan ng isa’t isa para sa ikabubuti at ikauunlad ng lahat. Wika nga sa Ecclesiastes 4:9, “Ang dalawa ay mabuti kaysa isa; mas marami ang bunga ng anumang gagawin nila.” Magkabalikat, hindi magkalaban, ang mga manggagawa at ang mga nagbibigay ng trabaho.
Sumainyo ang katotohanan.