205 total views
Ang pananalangin para sa kaligtasan mula sa pandemic na Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 outbreak ay dapat na ilaan sa lahat sa kabila ng anumang paniniwala o pananampalataya.
Ito ang panawagan ni Archdiocese of Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma – Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Mutual Relations kaugnay sa malawakang epekto ng COVID-19 sa buong daigdig kasabay na rin ng paggunita ng Year of Ecumenism, Interreligious Dialogue and Indigenous Peoples.
Ayon sa Arsobispo, ang naturang sakit ay walang pinipiling estado sa buhay o denominasyon kaya’t mahalagang magkaisa ang lahat sa pananalangin at pagsunod sa mga panuntunang ipatutupad ng mga eksperto.
Nagpahayag naman ng pakikiisa si Archbishop Ledesma sa mga Muslim na maaring hindi matuloy ang pilgrimage o pagsasagawa ng Haj sa Saudi Arabia dahil sa COVID-19 outbreak.
“Well dapat magkakaisa din tayo sa pagsunod ng mga guidelines para maiwasan na itong epidemya and we still pray together for the good of everyone hindi lang para sa isang religious community kundi para sa lahat din saka I think sinasarhan rin ang mga pilgrimage site hindi lang sa mga Muslim kundi sa mga Katoliko din so again it’s worldwide na we have to be aware of this pandemic…” pahayag ni Archbishop Ledesma sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, bilang pag-iingat naunang pinigil ng pamahalaan ng Saudi ang pagpapasok sa Mecca at Medina ng mga pilgrims mula sa mga bansang apektado ng COVID-19 outbreak.
Samantala, nagpatupad na rin ng precautionary measures ang Roma upang maiwasan ang malaking pagtitipon-tipon ng mga mamamayan.
Ngayong taon bilang paghahanda sa ika-500 taon ng Kristyanismo sa Pilipinas ay ginugunita ang Year of Ecumenism, Interreligious Dialogue and Indigenous Peoples na may temang “Dialogue Towards Harmony” na naglalayong maisulong ng pakikipagkapatiran sa pamamagitan ng pagsusulong ng kultura ng pakikipag-ugnayan tungo sa pangkabuuang kapayapaan.